_ngayon
^

Isang bansa, isang tagapamahala

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda (Pilipino Star Ngayon) - June 23, 2021 - 12:00am

Taas ang kamay ng mga hindi nalilito sa pinakahuling patakaran sa face shields. Mas malamang sa hindi na higit na marami ang nalilito pa rin.

Sa usapan namang puwersahang pagpapabakuna, mayorya ang nagugulat sa warning mula sa Presidente na ipakukulong ang tatanggi.

Sa mga pangunahing pamahalaang lokal tulad ng Cebu at Manila, may kanya-kanya nang patakarang sinu­sunod sa health protocols na taliwas sa kautusan ng IATF. Sa Cebu ay ipinipilit ang testing upon arrival para sa inter­national travellers sa halip ng quarantine kagaya ng ipinapatupad dito sa airport at sa seaports. Sa Maynila naman ay pumayag ang pamahalaang lokal na papasukin ang mga walk-in sa vaccination centers kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng IATF.

Ang may kapangyarihan pagdating sa face shields ay ang IATF o mismong ang Kongreso sa pamamagitan ng batas. Sa mandatory vaccination, kung gagawin mang krimen ang kaparusahan, tanging batas ang maaring magtalaga nito. Sa pagsuway naman ng mga LGU sa IATF rules, mayroon silang pinanghahawakang awto­nomiya sa ilalim ng Saligang Batas at ng Local Government Code.

Kanino mang kamay nakasalalay ang kapangyarihan, ang mahalaga ay malinaw itong ipagbigay-alam sa tao. Hindi nakakatulong at bagkus ay nakasasama kapag hanggang ngayon ay malabo pa rin ang guidance na nag­mumula sa kinauukulan. Napagsasabihan tayong kulelat sa lahat ng pamantayan pagdating sa pagresponde sa pandemya. Isa na sa malaking ugat nito ay ang kakulangan­ ng direksiyon.

Kapag hindi nagsasalita sa iisang boses ang pamahalaan sa pagsalubong sa pandemya, higit tayong mahihirapan na kumpunihin ang mga pagkilos upang maging mas mabisa ang ating tugon. Ito na rin ang naging karanasan ng mga bansang hindi nagkaisa sa kanilang estratehiya. Ang kanilang pagresponde ay naging patse-patse. Numero uno ang US na may pinakamaraming insidente ng namatay dahil sa kawalan ng iisang patutunghuhan ng iba’t ibang baitang ng pamahalaan.

Nawa’y maituwid agad ng administrasyon ang kalituhang nagmumula sa malabong mensahe. Ang kailangan ng bansa ngayon ay makarinig ng iisang boses na mangunguna para sa lahat.

IATF
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with