_ngayon
^
EDITORYAL - DepEd, umaaksiyon ba sa obscene word sa module?

EDITORYAL - DepEd, umaaksiyon ba sa obscene word sa module?

(Pilipino Star Ngayon) - June 21, 2021 - 12:00am

ANG Department of Education (DepEd) ang may pinakamalaking budget sa lahat nang departamento. Ngayong 2021, tumataginting na P754.4 billion ang kanilang budget. Napakalaking pera nito para mapabuti at maisaayos ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Pero sa kabila nang malaking budget, marami pa ring nakakalusot na kamalian na walang ibang tumatamasa kundi ang mga mag-aaral. Hindi lang basta mali kundi malaswa na nakaka-pollute sa isipan ng mga bata. Sa laki ng budget ng DepEd, dapat ba silang malusutan ng mga malalaswang salita kung nagbayad sila nang maayos sa mga nagsaliksik at nagsalin sa tamang lengguwaheng Filipino.

Noong nakaraang linggo, dumalo sa hearing ng House committee on public accounts ang school administrator na si Antonio Calipjo-Go at isiniwalat ang mga malalaswang salita sa module na ginagamit ng Grade 10 students sa Pampanga. Ipinakita ni Go sa hearing ang kopya ng module kung saan, topic ang tungkol sa aswang at iba pa. Ang kahulugan ng aswang ayon sa module ay: “Siya rin ay isang diyos pero ang Aswang ay pinaniniwalaan na ito’y tao na kumakain ng kapwa tao, kung minsan ang mga ito ay pinapaniwalaan na may mga pakpak at sila raw ay gising kung gabi para maghanap ng maka-----ot o maaaswang.”

Napakabastos ng nagsulat o nagsalin nito. Hindi man lang nakita ng mga guro o DepEd officials. Hinayaang maimprenta at naipamahagi sa mga estudyante. Kung hindi ito nakita ng apat na nanay at inireport kay Go, patuloy itong gagamitin.

Ayon naman sa DepEd, naayos na raw ang problema. Ayon kay DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio, iniwasto na raw nila ang malaswang salita. Ginawan na raw ito ng errata ng division office.

Ganun lang. Hindi ba nila ipinahanap ang taong gumawa o nagsalin ng malaswang salita sa module. Binayaran ito ng DepEd kaya nararapat lamang na kuwestiyuin ito sa kanyang kabobohan na pati kaisipan ng mga estudyante nakukulapulan ng kalaswaan.

Nararapat umaksiyon ang DepEd. Hanapin ang tao o grupong gumawa ng malaswang pagsasalin sa module at imbestigahan. Bawiin ang ibinayad sa kanila at kasuhan dahil sa malaswang pananalita. Sa laki ng pondo ng DepEd, hindi sila dapat basta kumukuha ng mga personalidad na gagawa sa module. Dapat mga eksperto at may pinag-aralan. Isaalang-alang ang mga gagamit na estudyante.

DEPED
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with