_ngayon
^

Game of confusion

AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - June 21, 2021 - 12:00am

TAHASANG sinabi kamakailan ni President Duterte na kapag tumakbong Vice President si Cong. Martin Romualdez ay susuportahan niya ito. Pero nakatatak sa isipan ng tao na si Sen. Bong Go ang minamanok niyang tumakbo sa pagka-Vice President. Iyan ang sinabi na niya noon. Ano ba talaga ang totoo?

Nauna ring sinabi ng Presidente na pagkatapos ng kanyang termino, magreretiro na siya at hindi niya tatang­gapin ang nominasyon ng kanyang partidong PDP-Laban para tumakbo siya sa pagka-Vice President.

Ngunit ilang araw lang ang lumipas, direktang sinabi ng Presidente na magandang ideya na tumakbo siya sa pagka-VP dahil bilang Presidente, marami pa siyang gawaing hindi natatapos tulad ng pagsugpo sa droga at korapsyon sa gobyerno. Ngunit kung magpasyang tumakbo for Vice President si Romualdez, ito ang kanyang tiyak na susuportahan. Ano ba talaga ang totoo?

Nasabi rin ng Presidente na kung may napupusuan siya bilang kanyang kapalit sa Malacañang, ito ay si dating Sen. Bongbong Marcos. Ayaw daw niya sa isang babae na maging Presidente kaya pipigilan niya ang pagtakbo ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-Presidente. Subalit lumalabas ngayon na pursigido nang tumakbo sa Panguluhan si Sara. Ano kaya ang totoo?

Parang ito’y sinasadyang panlilito sa isip ng taumbayan. Maraming lumulutang na pangalang itatambal bilang Vice ni Sarah at ang mga mamamayan ay nalilito kung sinu-sino ang talagang kakandidato sa dakong huli. Para bagang tusong political strategy para palabasing nagkakahati kunwari ang administrasyon pero sa bandang dulo ay may susuportahang iisang kandidato sa pinakamataas na posisyon.

Malapit na ang paghaharap ng certificate of candidacy (COC) sa Oktubre. Pero kahit pa nagharap na ng COC, wala pa ring katiyakan kung ang naghain ng COC ang tunay na tatakbo. Puwedeng sa last minute ay umatras siya at magpaubaya sa ibang personalidad bilang substitute candidate. Iyan ang nangyari noong nagdaang Presidential polls. Umatras sa huling oras si Martin Diño sa kanyang kandidatura upang ipalit sa kanya si Duterte na nagwagi hands down.

Ahh, lipos ng hiwaga ang pulitika sa Pilipinas.

MARTIN ROMUALDEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with