_ngayon
^
EDITORYAL - Daming ibig magpaturok pero wala namang ituturok

EDITORYAL - Daming ibig magpaturok pero wala namang ituturok

(Pilipino Star Ngayon) - June 16, 2021 - 12:00am

Iba na ang kaisipan ng mamamayan ngayon. Kung dati ay maraming nangangambang magpabakuna laban sa COVID-19, ngayon ay hindi na. Kusa nang pumupunta sa mga barangay ang mga tao para magparehistro at makakuha ng slot para sa vaccination. Marami na rin ang nag-o-online registration. Pero ang masaklap, kulang naman ang bakuna. Marami na ang nakapila pero kapos ang bakuna. May mga barangay na mabagal ang pagbibigay ng schedule kung kailan babakunahan. At kapag nasa vaccination site na saka sasabihing kulang ang bakuna.

Kamakalawa, maraming mayor sa Metro Manila ang nagrereklamo na kakaunti ang natatanggap nilang bakuna at isa ito sa dahilan kaya bumabagal ang pagbabakuna sa mga residente. Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) na mas maraming bakuna ang ilalaan sa Metro Manila sapagkat narito ang sentro ng pandemya pero naka­pagtatakang marami pa rin ang hindi nababakunahan. Marami sa mga senior citizens ang gusto nang maturukan pero patuloy pa rin silang naghihintay.

Noong nakaraang linggo, maraming dumating na bakuna at kabilang dito ang milyong doses ng Pfizer, Sinovac at Sputnik V. Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. may paparating pang mga bakuna ngayong Hunyo. Sa Hulyo aniya ay marami pang parating kaya maaari nang magsimula ng mass vaccination sa Setyembre. Kapag nabakunahan na ang nakararaming Pinoy magiging masaya na umano ang Pasko.

Sa kasalukuyan, dalawang milyon (2 percent) pa lamang sa 109 milyong Pinoy ang nababakunahan. Ayon kay DOH Undersecretary Leopoldo Vega, mula nang umpisahan ang pagbabakuna noong Marso 1, maliit na porsyento pa lamang ng populasyon ang nababakunahan at mahihirapang maabot ang target na 70 percent bago matapos ang taon. Para raw ma­abot, kailangang makapagbakuna ng 500,000 tao araw-araw.

Mahirap maabot ang 70 percent ng populasyon kung mabagal ang rollout. Dapat itong pabilisin. May mga bakuna nang dumarating pero usad pagong pa rin ang vaccination. Kung kailan handa nang magpa­bakuna ang mamamayan saka naman buma­gal ang proseso.

DOH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with