_ngayon
^

Nawawalang mister

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - June 6, 2021 - 12:00am

ANG isang kasal ay natatapos sa pagkamatay ng asawa. Sa ilalim ng batas (Art. 41 Family Code) ang isang asawang nawawala sa loob ng apat na taon o sa dalawang taon na magkasunod lalo at may kaakibat na pa-nganib ang kanyang pagkawala ay ipinapalagay ng korte na patay na para makapag-asawang muli ang kabiyak. Para makakuha ng deklarasyon mula sa korte na patay na ang asawa ay dapat na buo ang paniniwala ng kanyang kabiyak na patay na nga ito. Ano nga ba ang kailangan sa batas? Ito ang pinapaliwanag sa kaso ni Teresa.

Si Teresa ay kasal kay Manny, isang militar na miyembro ng AFP (Armed Forces of the Philippines). Ikinasal sila sa isang huwes sa MTC. Tatlong araw pagkatapos ng kasal ay iniwan ni Manny si Teresa at pumunta sa Jolo, Sulu kung saan siya may misyon. Mula noon ay walang naging balita si Teresa sa mister. Pinilit niyang hanapin ang lalaki. Nagtanung-tanong siya sa mga magulang, kamag-anak at kapitbahay nito pero hindi rin nila alam kung nasaan ang lalaki.

Hinayaan na lang ni Teresa na lumipas ang mga taon at naghintay sa pagbabalik ni Manny. Pero pagkatapos ng 33 taon at wala pa rin siyang balita kay Manny ay nagsampa na siya ng petisyon sa RTC para ipalagay na patay na ang asawa at para makapag-asawa ulit. Sa tagal daw na pagkawala ng lalaki at walang balita ay siguradong patay na ito.

Dahil walang kumontra sa kanyang petisyon, pinayagan si Teresa na maghain ng ebidensiya ng ex-parte. Tumestigo siya at nagpatunay tungkol sa mga sirkumstansiya ng pagkawala ni Manny at ang mga ginawa niyang paraan para hanapin ang lalaki sa mga magulang, kamag-anak at kapitbahay nito.

Pinagbigyan ng RTC ang petisyon ni Teresa at dineklara na patay na si Manny para muling makapag-asawa ang babae maliban at biglang sumulpot ulit ang mister niya. Dahil sa 33 taon na pagkawala ni Manny ay pinalagay ng korte na patay na ito. Kinatigan ng CA ang hatol ng RTC at kinunsidera ang lahat ng ginawang paraan ni Teresa sa paghahanap sa asawa. Kaya itinuring na patay na talaga ang lalaki.

Pero ayon sa SC ay nagkamali ang RTC at CA. Ayon sa SC, dapat patunayan ni Teresa ang sinasabing buong paniniwala na patay na si Manny sa pamamagitan ng aktibong paghahanap sa mister. Hindi iyong pinalipas lang niya ang mga taon at nakibalita sa mga kakilala at kaanak. Kaya hindi sapat ang pagkawala ng lalaki sa loob ng 33 taon na walang naging balita dito. Dapat patunayan ni Teresa na ginawa niya ang lahat ng paraan para mahanap ang mister at para matiyak kung totoong buhay o patay na ang lalaki. Naghanap lang si Teresa sa mga magulang, kaanak at kapitbahay ng lalaki.

Dapat ay nagpatulong siya sa AFP para mahanap ang mister. Siya pa nga mismo ang nagsabi na pinadala ng AFP sa isang misyon si Manny nang mawala ito. Dapat ay nagtanong siya sa AFP sa estado ng misyon ng mister at ng mga kasamahan sa AFP na nakaaalam o kasama nito sa misyon.

Ang isa pa, hindi man lang tumestigo para kay Teresa ang mga kamag-anak, magulang at kaibigan ni Manny. Ang sinasabi niya na naghanap siya sa asawa ay kulang dahil walang ibang testigo o ebidensiya. Kaya hindi sapat ang kanyang testimonya binlang asawa kung walang ibang dagdag na ebidensiya. Hinayaan lang talaga ni Teresa na lumipas ang mga taon pero hindi siya aktibong naghanap sa mister. Hindi ito sapat para masabing buo ang kanyang paniniwala na patay na nga ang mister (Republic vs. Tampus, G.R. 214243, March 16, 2016).

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with