_ngayon
^

Nagpanggap na pulis, arestado

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - June 1, 2021 - 12:00am

SA paghuli ng mga pulis sa drug suspect, kinakailangan nila ng ibang paraan para mahuli ang mga nagkasala tulad halimbawa ng buy-bust operation o kaya entrapment.

Ito ang kaso ng tatlong kolehiyala na sina Bubbles, Summer at Peachy na nag-aaral sa isang sikat na uniber­sidad. Mayaman sina Bubbles at Summer samantalang mahirap naman si Peachy pero naging malapit silang magkakaibigan dahil na rin sa pangangailangan nila sa talento ng isa’t isa.

Isang linggo naisipan ng magkabarkada na magpalagay ng tattoo. Nakasakay sila sa kotse ni Bubbles nang maipit sa trapik. Dahil takaw-pansin, isang pasahero sa jeep na nagngangalang Bong ang agad na bumaba at sinita ang tatlo at nagpakilalang pulis. May nakasukbit siyang baril sa baywang. Pinara at pinahinto niya ang kotse. Tapos ay pinalipat niya si Summer sa likod at siya ang sumakay sa harapan katabi ni Bubbles. Matapos maghalungkat kuno sa kotse ay may pinakita siyang ma­liit na pakete ng marijuana na kunwari ay nakuha sa mga dalaga. Inutusan niya si Bubbles na magmaneho papunta sa pinakamalapit na istasyon ng pulis. Habang nasa kalsada ay sinabi niya sa tatlo na puwedeng hindi niya ituloy ang reklamo basta bayaran siya ng P500,000. Gulat at takot ang naramdaman ng tatlong babae pero nakuha nilang sabihin na wala silang hawak na ganoon kalaking pera.

Matapos makipagtawaran sa presyo ay pumayag si Bong na tumanggap na lang ng P30,000. Pero P4,000.00 lang ang kayang ibigay ng tatlo mula sa kanilang mga ATM cards kaya nagkasundo sila ni Bong na P4,000 muna ang kabayaran nila at ang balanseng P26,000 ay babayaran kinabukasan sa lugar na kanilang pagtatagpuan. Gumawa pa nga si Bong ng sulat na hindi siya magsusumbong sa mga pulis basta’t makuha ang balanse.

Ikinuwento ng tatlo ang nangyari sa kanilang magulang. Ang payo ng nanay ni Peachy na si Lani ay pumunta sila sa Camp Crame para ireport ang insidente.  Doon na napag-alaman sa mga ahente ng Narcom na isang impostor si Bong at hindi naman totoong pulis. Kaya agad sinabi ng taga-Narcom na ituloy nila ang balak na makipagkita muli kay Bong pero bumalik muna sa kanila para maituro ang gagawin.

Sumunod na araw, binigyan ng taga-NARCOM ng markadong P26,000 ang mga dalaga. Inutusan din nila ang tatlo na kumpirmahin kay Bong ang pagtatagpo sa hapon sa isang restawran.

Noong hapon, nakipagtagpo nga ang tatlo kay Bong na nakapuwesto sa isang mesa at agad na hiningi ang balanse. Nang maibigay ang pera, agad na dinampot ng mga pulis si Bong at inaresto. Nakuha sa kanya ang mga pekeng ID sa pagpapanggap niya bilang Narcom agent; ang kinuha niyang  ID ni Peachy at driver’s license ni Bubbles pati isang baril na kalibre .45 kasama ang anim na bala at 16 na pakete na may lamang tabletas na korteng candy at kulay tsokolate na marijuana pala.

Kinasuhan si Bong sa paglabag sa batas (R.A. 6425 as amended by R.A. 7659, Sec. 8, Art. II in relation to Sec. 2 (e-1) (i) Art.1) dahil sa pagkakaroon niya ng 84.55 gramong marijuana pati na sa dala niyang baril na may anim na bala na walang kaukulang permiso (PD 1866).

Tumestigo ang tatlong dalaga pati na ang mga pulis laban kay Bong. Depensa naman ng lalaki ay nakikipag-usap lang siya kay Peachy nang hulihin siya ng mga pulis. Itinanggi niya na siya ang may-ari ng marijuana at ng baril.

Matapos ang paglilitis ay napatunayan ng korte na nagkasala si Bong at talagang ginawa ang mga krimen na ibinibintang sa kanya. Hinatulan siya ng reclusion perpetua para sa nakuhang illegal na droga at anim na taon hanggang walong taong pagkabilanggo naman para sa illegal possession. Tama ba ang korte sa naging hatol?

TAMA. Malinaw ang naging testimonya ng mga testigo tungkol sa pagkakuha ng illegal na droga at baril kay Bong sa entrapment operation na ginawa ng mga pulis. Inamin pa nga niya sa pamamagitan ng sariling sulat kamay ang tungkol sa pagtanggap ng P4,000 at ang balanseng P26,000 para lang hindi kuno isumbong ang tatlong dalaga.

Walang dahilan para hindi paniwalaan ang mababang hukuman lalo sa isyu ng kredibilidad ng mga testigo sapagkat napag-aralan nitong mabuti ang kilos at pananalita ng mga testigo sa paglilitis kumpara sa CA at SC.

Parehas ang naging hatol maliban sa binago ang sentensiya sa illegal possession of firearms, na ginawang apat na taon at walong buwan hanggang pitong taon at isang araw na lang (People vs. Samson, G.R. 19377-78, May 29, 2002).

DRUG BUY-BUST OPERATIONS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with