_ngayon
^

PSN Opinyon

‘Hawak Kamay’ para sa 351st Araw ng Makati

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Bukas, Hunyo 1, ang 351st Araw ng Makati. Masaya nating ipinagdiriwang ang pagkakatatag ng Makati bilang isang komunidad. Makulay at makasaysayan ang nakaraan ng Makati City at patuloy kong sinisikap na gawin itong role mo­del para sa ibang mga lungsod sa bansa at sa buong mundo.

Ngayong taon ay napili namin ang temang “Hawak Kamay” para sa Araw ng Makati 2021. Makahulugan ito sa kadahilanang hindi man tayo maaaring maghawak-hawak ng kamay dahil sa mga sinusunod nating health and safety protocols, nananatiling magkabigkis at magkabuklod ang ating­ mga puso sa ating adhikaing paglingkuran ang #ProudMaka­tizens sa lubos ng ating makakaya.

Simbolo rin ito nang mahigpit na pagkapit sa bawat isa at pagpapaalalang “walang bibitaw”, “walang maiiwan” sa Makati. Sama-sama pa rin tayong babangon, aahon, at mag­sisimulang muli kahit nariyan ang banta ng COVID-19.

Nais din naming bigyan ng espesyal na pagkilala at papuri ang frontliners sa Makati na mahigit isang taon nang nagsisilbi nang walang kapaguran at buong lakas sa ating lungsod.

Kayo ay kabilang sa pinaghuhugutan namin ng lakas, pag-asa, at motibasyon sa araw-araw na laban natin sa coronavirus. Simula noong una ay hindi ninyo inisip ang pa­nganib at banta sa inyong sariling kalusugan. Dama namin ang inyong pagod, hirap, at frustration sa araw-araw na pagsagip ng buhay ng ating mga Makatizen.

Sa kabila nito, hindi kayo nagkulang o nag-atubiling tumugon sa tawag ng paglilingkod. Naging mabilis at maayos ang COVID-19 response ng lungsod ng Makati dahil sa inyong tulong at kooperasyon. Ang ating mga quarantine at isolation facilities ay pinupuri at tinutularan ng ibang lungsod dahil sa inyong efficient at expert na pagpapalakad nito.

Libu-libong pasyente na ang naka-recover mula sa CO­VID-19 at muling nakasama ang kanilang pamilya, nakabalik na sa trabaho, at ngayon ay patuloy na lumalaban sa buhay.

Nais ko rin kayong pasalamatan sa epektibong pagpapatakbo ng ating #BakunaMakati program. Isa ang Makati sa ginagawang halimbawa ng ibang lungsod pagdating sa implementasyon ng vaccination program. Masusing pinag-aralan, pinagplanuhan, pinaghandaan at maayos ang pagpapalakad.

Bukod sa ating mga medical frontliner, gusto ko ring pasalamatan ang mga tinatawag nating essential workers. Hindi tatakbo ang komunidad at lungsod kung hindi sa tulong nila. Kabilang dito ang mga tindera sa palengke at groceries, pati na rin sa sari-sari stores, ang mga rider at delivery personnel, security guard at pulis, mga guro, gasoline boys, waiters at iba pang service staff tulad ng mga janitor at waste disposal staff.

Hindi ko man maisa-isa at mabanggit lahat, nais ko po kayong pasalamatan nang buong puso para sa inyong serbisyo at paglilingkod.

Ang bawat isa sa atin ang bumubuo ng Makati, kaya alay ko po sa inyo ang ika-351 taong selebrasyon ng Araw ng Makati. Para po sa atin ito.

Mabuhay po kayong lahat!

MAKATI
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with