_ngayon
^

Anak ang importante

IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - May 16, 2021 - 12:00am

Isa na naman itong kaso sa agawan ng nanay at tatay ng batang ipinanganak sa pagkadalaga. Sa ilalim ng batas (Art. 216 Family Code), ang bata na wala pa sa pitong taong gulang ang edad ay dapat mapunta sa kanyang ina. Pero kung para sa kapakanan ng bata ay dapat ba na tanggalin ang kustodiya ng ina? Paano malalaman kung ano ang importante sa interes ng bata? Ito ang mga tanong na sasagutin sa kaso nina Dick at Marilyn.

Magsiyota sina Dick at Marilyn. Nagpaplano na sila na magpakasal. Tumira sila sa bahay ng mga magulang ni Marilyn at tinanggap sila nina Martin at Mila bilang paghahanda sa nalalapit na kasal. Pero bago pa man maganap ang kasalan ay nabuntis na si Marilyn. Ipinanganak ang bata at tinawag na Minnie. Sa sobrang atensyon nila kay Minnie ay naisantabi ang kasal.

Pero dahil din sa madalas nilang pag-aaway ay natuloy sa hiwalayan ang lahat noong tatlong taon na ang bata. Umalis si Marilyn sa kanilang probinsiya para mag-aral sa kolehiyo ng Dentistry. Pansamantala ay iniwan muna niya sa mga magulang ang pangangalaga kay Minnie.

Si Dick ang nag-alaga at nagpaaral kay Minnie. Pero pagkaraan ng pitong buwan ay binawi ang bata ng mga magulang ni Marilyn. Dinala nila ang bata gamit ang SPA o special power of attorney na pinirmahan ni Marilyn kung saan ang buong kustodiya sa bata ay inilagak sa kanila. Nagsampa naman ng petisyon (Petition for habeas corpus and child custody) sa RTC si Dick para mabawi ang bata mula kina Martin at Mila.

Sa paglilitis ay dumating si Marilyn at Minnie. Inilahad ni Marilyn na gusto niyang sa kanya ang kustodiya ng anak. Sumunod na araw ay naglabas ng hatol ang korte. Ibinigay nga ang kustodiya ng batang si Minnie kay Marilyn alinsunod sa Art. 213 ng Family Code kung sana nakalahad na walang batang pitong taong gulang ang edad ang mawawalay sa kanyang ina. Kahit pa napag-alaman na nasa siyudad si Marilyn para mag-aral sa kolehiyo ay layunin naman niyang balikan ang anak. Hindi na raw kailangan na palawigin pa ang petisyon. Tama ba ang korte?

MALI. Sabi ng Court of Appeal (CA), agad daw binasura ang petisyon ng RTC at dapat itong ibalik sa nasabing korte para magkaroon ng determinasyon kung sino talaga ang dapat na magkaroon ng kustodiya sa batang si Minnie. Ang paratang daw ni Dick na hindi mabuting ina si Marilyn at pinababayaan lang si Minnie ay mga tanong na dapat iresolba ng korte.

Pero ang utos na ibigay muna ang kustodiya ng bata kay Marilyn alinsunod sa Art. 176 ng Family Code ay kinatigan. Ang dapat daw pag-aralan ng korte ay ang pinakamabuti para sa kapakanan ni Minnie. Binigyan din ng dalawang araw na visitation rights ng korte si Dick na puwedeng dagdagan pa depende kay Marilyn.

Ayon sa SC ay medyo tama ang CA. Ang patakaran (Art. 176 Family Code) ay ibigay ang kustodiya ng bastardong anak sa kanilang ina lalo at wala pa sa pitong taong gulang ang bata (Art. 213 Family Code).  Hindi tatanggalin sa ina ang karapatan sa kustodiya ng anak maliban at mapatunayan na hindi sila karapat-dapat na magkaroon ng awtoridad sa bata dahil sa kapabayaan, inabandona, walang trabaho, immoral, lasegga, minamaltrato nila, baliw o kaya ay may nakahahawang sakit ang babae.

Tama ang utos ng CA na iresolba ng RTC ang isyu kung walang kakayahan si Mariyn na magkaroon ng kustodiya sa sariling anak. Lahat ng tanong tungkol sa kapakanan, pag-aalaga, edukasyon, at ari-arian ng bata ay para sa kanyang kabutihan o interes. Ito ang pinakamahalaga. Ang sinasabing interes ng bata ay ang kabuuan ng lahat ng sirkumstansiya at kondisyon na makakatulong para sa kanyang paglaki at proteksyon tulad ng sekuridad ng pakiramdam pati ang pisikal, sikolohikal at emosyonal niyang pag-unlad.

Para sa kabutihan ni Minnie ay dapat magkaroon ng kumpletong determinasyon ang RTC kung totoong napabayaan o inabandona ni Marilyn ang bata. Kung lalabas na hindi mabuting ehemplo si Marilyn ay maaaring ilipat kay Dick ang kustodiya ng bata imbes na sa kanyang mga lolo at lola. Mas mataas kasi ang antas ng karapatan ng isang magulang kumpara sa mga lolo’t lola.

Pero nagkamali raw ang CA nang ibigay nito kay Dick ang pansamantalang kustodiya ng bata sa loob ng isang buwan at bukod doon ay bigyan pa siya ng dagdag na visitation rights base lang sa pahayag ng lalaki. Ayon kasi sa batas (Sec. 18, A.M. No. 03-04-04-SC, ang kustodiya sa bata ay igagawad lang pagkatapos ng paglilitis at magkaroon ng desisyon ukol dito.

Saka lang din maglalabas ng kautusan ang korte kung sino sa mga magulang ang tatanggalan ng kustodiya sa bata at bibigyan lang ng visitation rights o pansamantalang kustodiya. Sa ginawa ng CA na pagbigay ng pansamantalang kustodiya kay Dick ay parang binalewala na nito ang dikta ng batas na walang batang mababa sa pitong taong gulang ang dapat mawalay sa kanyang ina base lang sa mga paratang ng lalaki.

Puwede lang dalawin ni Dick ang anak sa loob ng dalawang araw na visitation rights at kung gusto niyang ilabas ang bata ay dapat na may kasulatan mula kay Marilyn na pumapayag dito (Masbate et. Al.vs. Relucio, G.R. 235498, July 30, 2018).

BATAS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with