_ngayon
^

Matalinong payo

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - May 15, 2021 - 12:00am

PATUNAY na walang pakialam ang China sa anumang protesta o kilos pa ng Philippine Navy o Coast Guard, halos 300 barko ang nakakalat sa iba’t ibang lugar sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa ayon sa maritime patrol na isinagawa noong Mayo 9. Dahil hindi pinapansin ang mga protesta na inihain sa China, nagmura na si DFA Sec. Locsin.

Agad naman siyang binatikos ng Beijing at tila nakahanap pa ng kakampi kay President Duterte dahil agad humingi ng paumanhin si Locsin sa China. Nagpahayag pa ang Palasyo na tanging si Duterte lamang ang puwedeng magmura.

 Nagpahayag pa si Presidential spokesperson Harry Roque na hindi naman daw sakop ng EEZ ang Julian Felipe Reef kaya hindi dapat pinalaki ang isyu. Pero binara naman siya ng National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS).

Nasa 175 nautical miles ang layo nito sa Bataraza, pa­lawan kaya sakop pa rin ng EEZ. Pinatatahimik na rin ni Locsin si Roque at tanging ang DFA lamang ang puwedeng magsalita tungkol sa pakikipag-ugnay sa ibang bansa. 

Talagang hindi pinapansin ng China ang mga protesta natin. At bakit hindi kung ang Presidente mismo ng Pilipinas ang hindi nagbibigay halaga sa napanalunang desisyon ng Pilipinas sa UN Permanent Court of Abitration. Papel lang daw iyon na itatapon niya sa basurahan. Kung sila siguro ang nagpanalo ng kaso iba ang tono niya.

Tinawag din ni Duterte na “stupid” ang lahat ng naniwala na sasakay siya ng jet ski at magtatanim ng bandila ng Pilipinas sa isang isla sa West Philippine Sea para igiit na sa atin ang mga ito. Biro lang daw iyon sa panahon ng kampanya. Kasama ka ba sa mga “stupid” na iyan?

Kaya hindi na nakapagpigil si Carlo Montehermozo isang mangingisda mula Infanta, Pangasinan na biro rin daw na si Duterte ang naging Presidente ng bansa.

Si Montehermozo pala ang nagtanong sa mga kandidatong pagka-presidente sa debate noong 2016 kung ano ang magagawa nila para sa mga mangingisda na makapaghanapbuhay ng mapayapa at hindi maitataboy ng mga Chinese coast guard.

Nadismaya lamang sa pangakong hindi pinatupad at tinawag pa silang istupido. Hindi raw siya istupido. Pag-isipan daw nang mabuti kung sino ang tunay na makakatulong sa mamamayan sa susunod na halalan.

 Matalinong payo mula sa ordinaryong mamamayan na nalinlang.

WEST PHILIPPINE SEA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with