_ngayon
^

Ni-rape ang pinsan

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - May 11, 2021 - 12:00am

LABING-ISANG taong gulang si Anita at nakatira sa isang barangay kasama ang mga magulang na sina Lauro at Linda. Kasama nilang nakatira sa barangay si Andres, kapatid ni Lauro at ang magkapatid na Berting at Lando na kaanak din ni Lauro.

Isang gabi bandang alas siyete, nakita ni Andres si Berting na hawak sa braso si Anita at kinakaladkad papunta sa eskuwelahan. Hindi nag-isip ng masama si Andres dahil magkamag-anak naman ang dalawa. Sinita lang niya ang dalawa at pagkatapos ay bumili na siya ng sigarilyo at saka umuwi para makipag-inuman sa mga pamangkin.

Sunod na araw, nawawala si Anita. Tumulong si Andres sa paghahanap at natunton sa kawayanan ang bangkay ng dalagita. Kinilala ni SPO3 Lozano ang bangkay at napag-alaman kay Andres na si Berting ang huling kasama ni Anita. Nang hanapin si Berting, hindi na ito makita.

Gumawa ng ulat si SPO3 Lozano at hiniling ang awtop­siya sa bangkay. Matapos ang apat na araw, bumalik siya sa barangay at nakita ang kapatid ni Berting na si Lando na ang sabi naman ay naglalakad siya pauwi kasama nina Anita at Berting nang utusan siya nito na mauna sa bahay.

Base sa autopsy report, namatay si Anita dahil sa pamamaga ng utak at may natagpuan pa na punit sa ari nito tanda na ginahasa ang dalagita. Kaya kinasuhan ng rape with homicide si Berting dahil sa ginawa niyang pag­sasamantala at pagpatay sa biktima.

Lumalabas na pinaghahampas at pinagpapalo ang babae matapos gahasain na ikinamatay nito. Inabot ng anim na taon at apat na buwan bago naaresto si Berting. Para patunayan ang mga nangyari, ginawang testigo ng prosekusyon sina Lauro, Andres, SPO3 Lozano, Dra. Mejia at Dr. Mendoza na gumawa ng awtopsiya sa bangkay. Sa kanyang depensa, tumestigo si Berting at sinabing kinse anyos lang siya nang nangyari ang krimen. Kinumpirma niya na kakilala niya si Anita at katunayan ay pinsan niya ang babae na nakatira sa parehong barangay.

Todo tanggi ang lalaki at ang palusot ay naroon siya sa bahay ng lola niya nang gabing nangyari ang krimen. Nanonood daw siya ng telebisyon kasama ang kapatid na lalaki. Pagkaraan daw ay umuwi na sila ng utol na si Lando sa bahay ng kapatid nilang babae para matulog pero hindi na niya napansin kung nakaalis na si Anita.

Tungkol naman sa pagkawala niya nang mahanap na ang bangkay ni Anita at gumagawa na ang mga pulis nang imbestigasyon ay wala na raw siyang alam dahil isinama na siya ng ama-amahan pauwi sa probinsiya.

Tumestigo rin si Lando at binawi na ang unang pahayag. Nang mangyari raw ang insidente ay sabay sila ni Berting na umuwi sa bahay ng kapatid nilang babae pagkatapos manood ng TV sa bahay ng kanilang lola.

Pagkatapos ng paglilitis, hinatulan ng RTC si Berting nang habambuhay na pagkakulong at pinagbabayad din ng danyos.

Ayon sa RTC, walang pag-aalinlangan na napatunayan ang sumusunod na sirkumstansiya: (1) siya ang huling kasama ni Anita bago ito nawala; (2) tumakas siya at itinago ang katauhan nang malaman na siya ang pangunahing suspek; (3) ayon sa awtopsiya, ang pagdurugo ng utak ang ikinamatay ng babae pero may bahid din ng dugo at punit ang ari; (4) hindi hadlang ang alibi ng akusado na umuwi siya matapos manood ng TV at naroon ang posibilidad na nagtungo siya sa lugar ng krimen.

Ang desisyon ng RTC ay kinatigan ng Court of Appeals (CA). Ayon sa Supreme Court, sapat ang inilatag na mga sirkumstansiya para patunayan nang walang pag-aalinlangan na ginawa ni Berting ang krimen dahil (a) higit sa isa ang sirkumstansiya, (b) napatunayan na totoo ang mga detalyeng inilatag, at (c) ang kombinasyon ng mga sirkumstansiya ay sapat para magkaroon ng hatol na walang pag-aalinlangan ayon sa Section 4, Rule 133, Rules of Court. Hindi raw sapat ang pagtanggi ni Berting para kontrahin ang ebidensiyang inihain ng prosekusyon. Kahit pa sinang-ayunan ng kapatid niyang si Lando ang kanyang mga pahayag ay hindi naman  maitatanggi na ang unang sinabi ni Lando ay hindi siya kasama ni Berting na umuwi nang gabing nangyari ang insidente.

Kahit pa sabihin na kinse anyos lang si Berting nang ginawa niya ang krimen, alam na niya ang ginawa at pinagplanuhan ang nangyari. Hindi siya makakalusot alinsunod sa Section 6, RA 9344. Pero dahil minor siya nang gawin ang krimen, ikukunsidera pa rin itong mitigating circumstance na makababawas sa hatol kaya ang parusa ay pagkakulong ng 10 taon, 1 araw hanggang 17 taon at 4 na buwan (People vs. ZZZ, G.R. 228828, July 24, 2019.)

RAPE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with