_ngayon
^
EDITORYAL -Magbantay ang PCG sa West Philippine Sea

EDITORYAL -Magbantay ang PCG sa West Philippine Sea

(Pilipino Star Ngayon) - May 10, 2021 - 12:00am

Bumabalik umano ang China maritime militia vessels na pinaaalis ng Philippine Coast Guard (PCG) noong nakaraang linggo sa Sabina Shoal. Ayon sa grupong Pamalakaya, pinatalikod lamang ang PCG at nagsibalikan ang pitong Chinese vessels sa lugar na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Hindi maganda ang nangyayaring ito na binabalewala ng China ang mga protesta na inihahain ng Pilipinas. Tila wala na silang pakialam at nambabastos na talaga dahil sa pananatili sa teritoryo ng Pilipinas.

Kung totoong bumalik sa Sabina Shoal ang mga barkong itinaboy, dapat regular ang pagpapatrulya ng PCG kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Hindi dapat pabayaan ng PCG at BFAR ang teritoryo sapagkat walang karapatan ang mga Tsino roon.

Marami ang natuwa sa ginawang pagpapaalis ng PCG sa pitong barko ng China. Ilang linggo nang mainit ang diskusyon laban sa pananatili ng mga barko ng China sa Julian Felipe Reef na nagsimulang mamataan noon pang Marso 7. Sabi ng ambassador ng China sa Pilipinas, sumisilong lang daw sa Julian Felipe Reef ang mga barko. Pero sabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, hindi siya tanga para maniwalang sumisilong doon ang mga barkong Tsino. Sinabihan niyag umalis ang mga barko.

Noong nakaraang linggo, nagsalita nang masasakit na salita si DFA Sec. Teodoro Locsin sa kanyang twitter account patungkol sa China. Pinalalayas niya ang mga ito. Anong klaseng pagkakaibigan daw meron ang China sa Pilipinas. Maraming beses na ring naghain ng diplomatic protest ang DFA laban sa China. Bagama’t nag-sorry si Locsin, iyon daw ay para sa Chinese official na counterpart niya at hindi sa China.

Regular na pagpapatrulya ang dapat pang gawin ng PCG para mapigilan ang mga barko ng China na pumasok sa EEZ ng bansa. Kaya naman palang paalisin ang mga barko ng China bakit hindi gawing regular ang pagpapatrulya. Walang ibang gagawa nito kundi ang PCG. Bukod sa mababantayan ang mga teritoryo, mababantayan din ang mga mangingisdang Pinoy. Reklamo nila, wala silang mahuli dahil sa pananatili ng mga barko ng Tsina. Dapat silang pro­tektahan.

PCG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with