^

Pataas at pababa

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda (Pilipino Star Ngayon) - May 5, 2021 - 12:00am

Pababa na nang pababa ang positivity rate sa mga tinetesting natin sa COVID-19. Kahapon ay 14.3% na lamang ng kalahatan na mga nag-PCR Swab Test ang lumabas na positibo. Sa kasagsagan nitong panghuling bulusok ng impeksiyon noong unang linggo ng Abril, umabot sa higit na 25% ang rate. Isa sa apat na tinesting ang positibo!

Sa katapusan sana ng 2020 ay nandun na tayo sa 5% positivity rate na tinakda ng WHO na magandang pamantayan. Kaya nga lang ay sumipa na naman tayo nitong Marso.

Pataas naman nang pataas ang bilang ng ating tinetesting­ na indibidwal. Mahigit nang 45,000 PCR tests kada araw ang nagagawa kung i-average natin nitong walong araw na nakalipas. Lagi nating sinasabi na dapat palawigin ang testing nang mas madaling matunton ang mga may sakit.

Mula pa nang Mayo 2020, mayroon na tayong kapa­sidad na magsagawa ng abot 75,000 kada araw na testing­. Sa ngayon ay pinakamataas pa lang na inabot nating daily total ay mahigit 54,000.

Ang ganitong rate ng testing ay pantay o higit pa sa isinasagawang testing sa mga mayayamang bansa tulad ng South Korea at Japan. Sa buong South East Asia, wala nang mas dadami pa sa atin sa testing capacity at sa actual tests.

Ang problema ay medyo hindi ganoon ka-episyente ang ating contact tracing capacity. Katulad nitong average nating 45,000 tests. Marami nga subalit ilan dito sa mga tinest ang “contact” ng mga naunang kumpirmadong positibo? Ni wala tayong ganyang istatistika.

Paunti-unti tayong nakaaahon. Hindi pa man tuluyang nawawala ang pila sa mga ospital ay dama natin na hindi na ito lumalala. Kung susukatin ang nagiging kawalan sa atin ng paghihigpit sa ekonomiya at lipunan, talagang napakalaki at nakapanlalambot.

Matagal-tagal bago mapunuan ang lahat ng nalugi sa atin – maging sa kalusugan, kaligtasan at kabuhayan. Subalit lahat ‘yan ay mahahanapan ng paraan. Hindi tulad ng buhay. Kapag ito ang inutang, wala nang balikan.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with