_ngayon
^
EDITORYAL - Bakuna muna bago mag-face-to-face

EDITORYAL - Bakuna muna bago mag-face-to-face

(Pilipino Star Ngayon) - May 3, 2021 - 12:00am

Sinabi ng Department of Education (DepEd) na bubuksan ang school year 2021-2022 sa Agosto 23. Ang pagbubukas ng klase ay nakasaad sa Republic Act 11480 na nilagdaan ni Presidente noong nakaraang taon. Nakasaad din na ang Presidente lamang ang may huling pagpapasya kung bubuksan ang klase sa panahon ng emergency at siya rin ang magpapasya kung ibabalik na ang face-to-face classes. Sinuspende ang face-to-face classes noong nakaraang taon dahil sa pandemya.

Binago ng pandemya ang pamamaraan ng pagtuturo kung saan naging online ang ugnayan ng guro at estudyante. Computer, laptop, tablet, cell phone, TV at radio ang naging tulay. Ang mga estudyanteng walang pambili ng gadgets at mga nasa liblib na lugar na hindi nararating ng internet ay printed modules ang dinidiliber ng mga guro.

Ayon sa DepEd pinag-aaralan na nila na ibalik ang face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng COVID-19. Noong nakaraang Disyembre 2020 nagkaroon ng pilot testing ang DepEd sa mga lugar na mababa ang kaso para maibalik ang face-to-face classes. Isinumite kay President Duterte ang plano pero hindi pinayagan ng Chief Executive dahil sa dumaraming kaso ng COVID-19.

Isa marahil sa mga dahilan kung bakit gusto ng DepEd na maibalik na ang face-to-face classes ay dahil sa lumabas na SWS surbey na 46 percent ng magulang ang nagsabi na hindi sila tiyak kung may natututunan ang kanilang anak sa online classes o distance learning.

Nararapat pag-isipan muna ng DepEd ang balak na pagbabalik ng face-to-face classes. Nakataya rito ang kalusugan ng mga estudyante lalo’t sa kasalukuyan, mataas ang kaso ng COVID. Kung bubuksan na ang face-to-face classes posibleng maraming estudyante ang tatamaan. Hindi lang estudyante kundi pati na mga guro.

Mas makabubuti na buksan ang face-to-face kapag nabakunahan na lahat ng mamamayan. Sabi ni vaccine czar Carlito Galvez maaaring magkaroon na ng mass vaccination sa Hunyo at bago matapos ang taon, naabot na ng bansa ang herd immunity.

Hindi dapat isubo sa panganib ang mga bata. Maari namang makapaghintay sa face-to-face classes. Ipagpatuloy muna ang distance learning. Gabayan na lang ng mga magulang ang kanilang mga anak para matuto. Tiis lang muna.

DEPED
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with