_ngayon
^

PSN Opinyon

Makati COVID-19 Home Care Program sa mild cases; Libreng bakuna sa OFWs

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Nitong mga nakaraang linggo, kinailangang magtayo ng karagdagang quarantine at isolation facilities ang Makati upang tugunan ang pagdami ng mga nagpositibong symptomatic patients na ginagamot sa Ospital ng Makati. Ganito rin ang kalagayan ng iba pang ospital sa ibang panig ng Metro Manila, private man o government hospital. 

Bunsod nito, binigyang-prayoridad ng lungsod ang pagbuo ng Makati COVID-19 Home Care Program sa ila­lim ng paggabay ng Department of Health (DOH). Layon ng programang ito na magamot ang mga Makatizen na may mild infection sa loob ng kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng pagbubukod o isolation. 

Sakop nito ang mga miyembro ng Makati Health Plus (Yellow Card) na nagpositibo sa COVID-19 at ini-refer ng Ospital ng Makati Infection and Prevention Control at ng Makati Health Department sa City Epidemiological Surveillance Unit (CESU). 

Nais kong linawin na ang isolation at quarantine sa bahay ay maaari lamang gawin kung mayroong sariling banyo, kuwarto, at walang kasamang miyembro mula sa vulnerable group (mga senior, mga may malubhang sakit, mahina ang resistensya, at mga buntis). Kailangan ding ang mag-aalaga o caregiver sa bahay ay may malakas na resistensya o pangangatawan para hindi delikadong mahawahan. Dapat ding palaging magsuot ng face mask at gumamit ng gloves ang caregiver, bukod sa pananatili ng isang metro o higit pang distansya sa pasyente. Sa buong panahon ng isolation o quarantine, bawal tumanggap ng bisita o ibang kapamilya maliban sa caregiver.

Bibigyan namin ang bawat pasyenteng sasailalim sa programa ng home care package na naglalaman ng COVID-19 Home Care Handbook, medical kits, monitoring sheets, at maintenance medicines para sa iba pa nilang karamdaman. Laman ng medical kit ang Vitamin C with Zinc, pulse oximeter, thermometer, Betadine oral spray, face mask at hand sanitizer/alcohol. 

Laman ng handbook ang mga gabay sa wastong pag-isolate sa tahanan ng kapamilyang may mild symptoms ng COVID, pati na ang pangangalaga sa sarili at mga pag-iingat upang hindi na makahawa sa ibang miyembro ng pamilya. Nakasaad din dito ang mga malalang sintomas na dapat bantayan upang maagap na mabigyan ng emergency care sa ospital. Bukod sa handbook, may nakalaang dalawang online consultations (OSMAK eConsult) upang makapagkonsulta sa doktor ang bawat pasyente.  

Batay sa panuntunan ng DOH, ang isolation ng may mild case ng COVID-19 ay tumatagal ng 10 araw na binibilang mula sa unang araw na magkaroon ng sintomas. Dapat ay matiyak ng doktor na clinically recovered na ang pasyente sa loob ng tatlong araw. Para naman sa mga na-expose sa taong may COVID-19, ang quarantine ay tumatagal ng 14 araw na nagsisimula sa unang araw ng exposure. 

Sa parehong kaso, kailangang humingi ng clearance sa doktor o sa CESU. Hindi na kailangang ulitin ang RT-PCR test para sa clearance. 

Upang manatiling ligtas ang iba pang kapamilya, lagi silang magsuot ng face mask kahit sa loob ng bahay, at panatilihing malinis at laging i-disinfect ang bahay at kagamitan. Kailangan ding ibukod ang labada ng pasyente at labhan ito ng maligamgam na tubig at sabong panlaba. Ihiwalay din ang gamit na mask at gloves sa isang selyadong bag sa loob ng 72 oras bago ilabas para sa koleksyon ng basura.

* * *

Kasabay ng paggunita ng Labor Day noong Sabado, May 1, binuksan na ng lungsod ang Makati Coliseum para sa libreng pagbabakuna ng overseas Filipino workers (OFW), gamit ang inilaang suplay ng pambansang pamahalaan sa kanila. Kasalukuyan kaming nakikipag-ugnayan sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa listahan ng mga Makatizen OFW na maaaring mabakunahan nang libre laban sa COVID-19 sa ilalim ng #BakunaMakati. 

Karangalan namin sa Lungsod ng Makati na makatuwang ang pambansang pamahalaan sa pagbibigay-pugay sa mga Bagong Bayani at sa lahat ng mga Manggagawang Pilipino. Alay namin sa inyo ang aming tapat na paglilingkod at patuloy na pagsusumikap na muling pasiglahin ang ekonomiya at ang pamumuhay nating lahat. Mabuhay po kayo!

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with