_ngayon
^

PSN Opinyon

Pakiusap: Isantabi ang pansariling kasiyahan para sa kaligtasan ng nakararami

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Sa kabila ng lumulubhang sitwasyon natin dahil sa mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID, tila hindi nababahala ang ibang mga kababayan natin. Bagkus, inuuna pa rin nila ang kanilang pansariling kasiyahan kahit na malagay pa sa panganib pati na ang kanilang mga mahal sa buhay­.

Sunud-sunod na ang mga nahuhuli ng mga otoridad na mga resto-bar sa Makati, lalo na sa Barangay Poblacion, dahil sa paglabag ng safety protocols at curfew. Karamihan ay naaktuhang bukas pa kahit sa oras ng curfew, at dikit-dikit pa ang mga nag-iinumang kostumer na walang suot na mask. Nakakadismaya ang mga gani­tong pangyayari dahil malinaw na binabalewala ang mga pagsisikap ng pamahalaan at mga katuwang nito na masugpo ang pandemya.

Mahirap bang intindihin na dahil sa panandaliang kasiyahan, puwede silang magkasakit at mamatay? Kung hindi man sila, paano naman ang mga mahal nila sa buhay na kanilang mahahawahan pag-uwi nila mula sa pakikipag-inuman? Sulit ba ang saya para magbuwis ng buhay ang sariling kapamilya? Sana maisip ito ng mga taong inip na inip na sa pananatili sa bahay, mga taong sabik nang magsaya ulit kasama ang barkada.

Mariin ko ring kinokondena ang mga pasimuno – mga may-ari ng resto-bars na lumalabag sa batas para lamang kumita. Walang puwang sa Makati ang mga katulad nila. Titiyakin kong ang mga pasaway ay hindi na muling maka­kapag-negosyo sa lungsod.

Hindi sa lahat ng oras ay matututukan ng kapulisan at deputized enforcers ang bawat establisimento, kaya naman kailangang kumilos din ng mga punong-barangay para mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng kanilang komunidad. Sila ang unang dapat makaalam kapag may mga ilegal na nangyayari sa kanilang nasasakupan, at unang kikilos upang mapigilan ang mga ito. Handa naman ang lungsod na rumesponde kapag kinakailangan.

Nananawagan din ako sa ating butihing Makatizens na maging alerto sa nangyayari sa komunidad, at kaagad na ireport ang mga paglabag sa COVID protocols at mga kaugnay na batas. Pwedeng tawagan ang hotline 168 o gamitin ang Makatizen App at i-tap ang SOS o How Can We Help sign.

* * *

Kasalukuyang nakatutok ang pamahalaang lungsod sa pagbabakuna upang mabilis na makamit ang layuning “herd immunity” tungo sa isang COVID-free Makati. Binuksan na kamakailan ang vaccination site sa Bangkal Elementary School, dagdag sa walong vaccination sites kasama ang Makati Coliseum. Inihahanda na rin ang 22 pang vaccination sites para sa pagdating ng suplay ng vaccines sa mga darating na buwan.

Samantala, nadagdagan ang beds ng OsMak Emergency Department sa itinayong extension tent na laan para sa mild to moderate cases ng COVID. May isa pang itinatayong tent na laan din sa COVID patients para madagdagan ang kapasidad ng ospital para sa emergency care ng mga nagpositibong symptomatic patients.

Muli kong tinitiyak sa Makatizens ang tuloy-tuloy na pagsusumikap ng inyong gobyerno upang bumuti ang kalagayan ng lahat at panatilihin kayong ligtas sa gitna ng pandemya.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with