^
EDITORYAL - Hindi dapat masayang ang sinimulan

EDITORYAL - Hindi dapat masayang ang sinimulan

(Pilipino Star Ngayon) - April 21, 2021 - 12:00am

Nag-uumpisa pa lamang kumalat ang community pantry pero gusto na agad patayin. Kung alin ang makakapagdugtong ng buhay sa mga naghihikahos­ lalo ngayong pandemya ‘yun ang gustong kitlin.

Hindi dapat masayang ang sinimulan ni Ana Patricia Non sa Maginhawa St. sa Quezon City. Ayon sa report, itinigil ang pantry sa Maginhawa kahapon dahil iniuugnay ito ng mga pulis sa gawain ng mga makakaliwa. Marami ang nakapila kahapon para makakuha ng pangangailangan pero wala na ang pantry.

Ipinahayag naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na suportado niya ang organizer ng pantry­ sa Maginhawa at nangako siya rito at sa mga bene­pisyaryo na magiging ligtas ang mga ito kasunod ng red-tagging ng Quezon City Police District (QCPD). Ayon sa report, ilang pulis ang lumapit sa organizer ng pantry at tinanong ang cell phone number at kung anong grupo kabilang. Sabi ng QC People’s Law Enforcement Board, hindi palalampasin ang ginawa ng mga abusadong pulis.

Ang pagsuporta ng QC government sa gawain ni Patrica ay malaking tulong para maipagpatuloy ang nasimulang pagtulong. Imagine, ilang araw lang mula nang simulan sa Maginhawa ang pantry, nagsulputan na parang kabute ang iba pa sa maraming lugar sa bansa.

Ang maliit na mesang kawayan ni Patricia na nilagyan niya ng bigas, gulay, itlog, delata, kape, vita­mins at iba pa ay agad na ginaya. Ginaya rin ang gina­wang karatula na nagsasaad: “Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan.”

Isang araw makaraang ilagay ang Maginhawa pantry, dumagsa ang tulong. May magsasaka mula sa Tarlac na nagbigay ng isang sakong kamote. May mga mangingisda sa Rizal na nagbigay ng huling tilapia.

Nang tanungin si Patricia kung bakit niya naisipan ito, sagot niya, “Di nito masasagot ang root cause ng kagutuman pero okay na rin na pantawid gutom sa mga nangangailangan. Mahirap magtrabaho, mag-aral at lumaban habang kumakalam ang tiyan.”

Sa sinimulan ni Patricia, sinabi ng isang pari, isang mabuting virus ang mabilis na kumakalat ngayon. Hindi mapigilan ang pagkalat ng virus na pawang mahihirap at mga kapuspalad ang nakikinabang.

Huwag sayangin ang nasimulan. Ituloy ang pagtulong sa mga nangangailangan.

QCPD
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with