^

Delivery riders, nagreklamo sa J&T Express!

UNFILTERED - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - April 21, 2021 - 12:00am

Mahigit 60 delivery riders at sorters ang napasugod sa BITAG Action Center noong nakaraang linggo.

Sarado pa ang action center ng BITAG dahil sa pandemya kaya hindi sila nakapasok sa aming tanggapan. Mahigpit kasing ipinatutupad ang health protocol ng pamunuan ng aming building.

Akala ko noong una, mga riders ng isang asosasyon na galit sa BITAG dahil sa pagsasalita ko hinggil sa usurpation of authority na ginawa ng kanilang lider.

Nagrereklamo pala sila laban sa J&T Express. Meron daw silang mga kontrata bilang job order subalit isang buwan na silang nakatengga’t walang trabaho.

Nang magdeklarang muli ang gobyerno ng enhanced community quarantine (ECQ), pinahinto raw sila sa kanilang trabaho.

Kailangan daw sumunod ng kompanya sa tamang bilang lamang ng mga empleyado. Alinsunod daw ito sa ipina­patupad ng gobyerno hinggil sa social distancing.

Tama at may magandang rason ang J&T dito. Ang problema, nang matapos ang ECQ ay tengga pa rin ang delivery riders. Walang tawag, text, memo o paramdam ang pamunuan ng J&T Express sa katanungan ng kanilang mga empleyado.

Lahat na raw ng paraan, ginawa ng mga riders para makausap ang sinuman sa pamunuan ng J&T Express subalit bigo sila. Kaya napadpad sila sa tanggapan ng BITAG.

May kabastusan ang pamunuan ng J&T Express. Ayaw harapin ang kanilang mga empleyado kesehodang job order lamang ang kontrata.

Ang tanging nais ng riders ay malaman kung may babalikan pa silang trabaho o wala. Higit sa lahat, maibigay ang huling sahod at incentives na kanilang pinagpaguran.

Nakipag-ugnayan kami kay Mayor Rex Gatchalian ng Valenzuela kung saan naroon ang warehouse ng J&T Express.

Napag-alaman naming “pasaway” pala ito’t makailang beses nang naipatawag ni Mayor Gatchalian dahil sa violations.

Muling sinabon, kinula at pinalu-palo ni Mayor ang mga representante ng J&T Express sa harap ng mga nagrereklamong empleyado. Nangako ang mga ito na babayaran lahat ng atraso sa mga nagrereklamo ngayong linggong ‘to.

Susubaybayan ng BITAG kung tutupad ang J&T Express sa kanilang pangako!

BITAG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with