_ngayon
^

Epidemic of love

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda (Pilipino Star Ngayon) - April 21, 2021 - 12:00am

Ang isa sa pinakamagandang side effect ng COVID-19 ay ang mga nagsulputang positive epidemics resulta ng pagkabiktima sa virus. Nandiyan ang agarang aplikasyon ng kaalaman sa agham upang mabuo agad ang mga mabi­sang bakuna. Kasama rin ang mga ayuda sa nasa lay­layan ng lipunan galing mismo sa budget ng pambansang pamahalaan.

Ang pinagbubunyi ng lahat nitong nakaraang linggo ay ang pagtatag ng community pantries sa mahigit 30 lugar sa bansa. Sa mga taong nangangailangan, hulog ng langit ang ganitong pagmamagandang loob mula sa mga hindi naman obligadong tumulong.

Sa ordinaryong panahon, ang tinatakbuhan natin ng alalay sa okasyon ng emerhensya ay ang mga namamahala. Lagi ring may kusang loob na tumutulong mula sa komunidad. Subalit nagkakaroon ng ibayong importansiya ang ganitong inisyatibo sa ngayon kapag itapat sa kahinaan ng responde ng kinauukulan.

Simpleng-simpleng ideya ang inumpisahan sa Magin­hawa Street, Quezon City. Marami sa atin ang nag-ambag na sa kanya-kanyang paraan mula nang mag-umpisang rumagasa ang pandemya noong 2020. Subalit sa lahat ng tulong at donasyon na nakita, tumaginting nang husto ang ideya ng community pantries dahil nagsilbi itong mitsa upang ang kagandahang loob ng buong komunidad ay mapukaw.

Ang pagyakap ng lipunan sa ideya ng community pantry ay dama sa Luzon, Visayas at Mindanao. Malinaw na tanggap ng tao ang pakinabang ng ganitong mga ideya bilang tulong upang makaahon.

Kamakalawa, sinubukang hadlangan ng mga awtoridad ang Maginhawa Street pantry. Ang community pantry ay tinawag na communist pantry. Mayroon ding nagparinig na dapat ay idaan sa regulasyon ng pamahalaan ang mga boluntaryong pagkilos na ganito na baka raw pagmulan pa ng pagkalat ng virus.

Walang lugar ang ganitong negatibong reaksyon, lalo na kung sa pamahalaan manggaling. Ang paniwala ng gobyerno ay tanging isang “whole of society approach” ang kailangan upang harapin ang pinsala ng pandemya. Sa pamamagitan ng mga community pantries ay tumitindig ang taong bayan upang gawin ang kanilang parte para makagaan. Imbes na masamain ng ilan, gawin na lang sana ng mabuti ang kanilang katungkulan.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with