^

Kahit kuwentong kutsero dapat ding seryosohin

AKSYON NGAYON - AL G. Pederoche (Pilipino Star Ngayon) - April 21, 2021 - 12:00am

Para sa Malacañang, isa lang “kuwentong kutsero” ang bali-balita na nag-uurong ng suporta sa Pangulo ang Department of National Defense at militar. Kapag ganitong may mga kumakalat ng balita laban sa gobyerno, dapat maging maagap para matukoy ang pinagmumulan ng usok. Sabi nga ng mga Kano, “Where there is smoke, there is fire.”

Sinasabi na ang militar ay disgustado sa kawalang aksyon ng administrasyon sa namumuong tensiyon sa West Philippine Sea (WPS). Pero ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, “ang buong Hubong Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay tapat sa Republika.”

Siyempre, tapat sa Republika ang ating hukbo dahil ‘yan ang sinumpaan ng mga sundalo. Pero ang katapatan ba sa Republika ay katapatan din sa leader ng bansa? Ang paniwala ni Roque, ang ganyang mga inihahasik na impormasyon ay paninira lang sa administrasyon dahil nalalapit na naman ang eleksiyon. Kumbaga, pamumulitika.

Puwede marahil maging kampante ang administrasyon kung nakikita ng taumbayan na may ginagawa ito para masawata ang pananaklaw ng China sa ating exclusive economic zone. Ngunit kung totoong may ginagawa ito, tila iba ang nabubuong impresyon sa isip ng ating mga kababayan.

Ang mga nagaganap na pananakot ng puwersa ng China sa mga Pilipinong nangingisda sa karagatan, gayun­din ang paglalagi ng mga barko ng pandigma ng nasabing bansa sa Julian Felipe Reef ay indikasyon na ang Pilipinas ay kayang-kayang duruin ng China.

Pagkatapos, maririnig pa mismo sa bibig ng Pangulo na wala siyang magagawa sa problema. Ang eksaktong katagang ginamit ng Pangulo ay “inutile” siyang tugunan ang usapin. Ang ganyang mga pananalita ay sapat na dahilan upang madismaya ang kasundaluhan at mawalan ng tiwala sa kanilang Commander-in-Chief.

Sana nga, tsismis lang ang balita pero huwag masyadong kampante ang pamahalaan. Repasuhin ang mga ipinatutupad na patakaran at baguhin ng Pangulo ang himig ng pagsasalita para huwag lumitaw na inuurungan niya ang malaking problema.

HARRY ROQUE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with