^

Mabagal ang ayuda

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - April 20, 2021 - 12:00am

SUPER kupad ang pamumudmod ng ayuda ng gobyerno at ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pa bumababa ang kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa Metro Manila at apat pang lalawigan. Sa pila ng mga tumatanggap ng ayudang P1,000 at P4,000, nakakalimutan na ang social distancing. Hindi ko naman nilalahat ang mga lungsod sa Metro Manila pero kung ganito ka-superbagal ang pamimigay, siguradong may magkakahawahan.

Sabi ni DILG Usec Jonathan Malaya, mahigit na sa apat na milyong beneficiaries ang nabigyan ng ayuda sa pamamagitan ng Department of Social Welfare Development (DSWD). Ngunit nakapagtataka kung bakit umaabot sa magdamag ang pila bago matanggap ang ayuda ng gob­yerno. Ang dahilan kasi ng mga taga-DSWD, may dapat silang berepikahin sa mga beneficiaries upang maiwasan ang mali-maling distribution ng ayuda. Subalit sa kabila ng super verification na ginagawa ng mga taga-DSWD ay marami pa rin ang mga nagrereklamo na hindi sila nabi­bigyan ng ayuda.

Halimbawa ay ang nangyaring superhabang pila ng mga residente sa Bgy. CAA, Las Pinas City. May nagsabing hindi raw sila nabigyan ng ayuda gayung ang iba ay nakatanggap. Ang masakit, maging ang mga namatay na ay nasa listahan parin. Gets mo Usec Malaya? Pakiim­bes­tigahan po ang reklamo ng mga nagugutom nating kaba­bayan sa Las Piñas City at sa iba pang dako ng NCR. Mas maiiwasan ang hawahan kung magiging sistematiko ang pagbibigay ng ayuda para mawala ang superhabang pila.

Samantala, maging Good Samaritan naman sana tayo sa pagtanggap ng ayuda upang makatikim naman ang ilan pa nating kababayan ngayong nasa modified enhanced community quarantine ang ating lugar. Sa kasalukuyan, marami na ang nagsusulputang mga community pantry sa iba’t ibang lugar upang ang mga salat sa buhay ay makatikim ng kaunting goods.

Humahanga ako sa mga nagtatag nito dahil kapaki-pakinabang talaga ang kanilang ginagawa para sa mga nagdarahop na kababayan. Sa mga maykaya naman o may sobrang pagkain, ipagkaloob ito sa mga community pantry upang dumami pa ang matulungan. Sa mga kababayan, kumuha lamang kayo ng sapat para ang iba ay makinabang din. Tandaan din na sumunod sa health protocols katulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at ipatupad ang social distancing upang makaiwas sa virus.

AYUDA COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with