^
EDITORYAL - Imbestigahan, minahan ng dolomite

EDITORYAL - Imbestigahan, minahan ng dolomite

(Pilipino Star Ngayon) - April 17, 2021 - 12:00am

KONTROBERSIYA ang mala-Boracay na “dolomite beach’ sa isang bahagi ng Manila Bay. Noong na­karaang Nobyembre 2020, ipinakita sa publiko ang beach at marami ang humanga dahil sa puting buhangin. Parang sa Boracay nga ang bukambibig nang marami. Dinagsa ng mga sabik na tao at nasira ang ipinatutupad na social distan­cing. Isinara muli ang beach dahil dun.

Nang manalasa ang mga bagyo noong Disyembre, natakpan ng mga layak at basura ang beach. Ang ma­puting buhangin ay nangitim. Ang iba ay inanod. Bina­tikos muli ang dolomite beach. Sana raw ang ginastos ay inilaan na lang na pambili ng pagkain ng mga apektado ng lockdown. Ang proyekto ay bahagi sa pagpapaganda ng Manila Bay na may pondong P389 milyon.

Sabi ng mga bumabatikos, sa halip daw na dolo­­mite, dapat ay bakawan ang itinanim para maprotek­siyunan ang dalampasigan. Pero sabi ni DENR Usec. Benny Antiporda, matagal na raw plano ang paglalagay ng dolomite sa bahagi ng Manila Bay. Inorder ang dolomite sa Alcoy, Cebu.

Natahimik ang isyu sa dolomite beach pagsapit ng 2021 at maraming nag-isip na tinigil na ang pagpapaganda sa Manila Bay. Pero hindi pa pala at bigla na lamang nakita ang pagtatambak ng dolomite. Tuloy muli ang mala-Boracay na dalampasigan.

Ang tanong ngayon, saan kumuha ng dolomite ang DENR? Matatandaan na ipinag-utos noong naka­raang taon ni DENR Sec. Cimatu na suspendihin ang operasyon ng dalawang mining companies na nagmi­mina ng dolomite sa Alcoy, Cebu dahil may paglabag ang mga ito. Nakita ang pagkasira ng corals at pag­dumi ng tubig sa lugar. Ang dala­wang mining companies ay ang Dolomite Mining Corp. (DMC) at Philippine Mining Service Corp. (PMSC). Inatasan ni Cimatu ang Environmental Ma­nagement Bureau (EMB) na magsagawa ng test sa kalidad ng hangin at tubig sa lugar kung saan nasira ang corals. Wala nang narinig sa imbestigasyon ng EMB sa dalawang minahan.

Ngayong itinuloy na ng DENR ang pagtatambak ng dolomite sa Manila Bay, ibig sabihin patuloy ang pagmimina ng dalawang mining companies sa Alcoy, Cebu? Nasaan na ang direktiba ni Cimatu na pagsuspende sa mga ito?

Dapat din namang tanungin ang Cebu LGUs. Natigil ba ang operasyon ng dolomite mining companies sa kanilang lugar o hindi? Kung tutuusin ang LGUs ang dapat maunang magpuputak sapag­kat sinisira ng dolomite mining ang kanilang lugar. Maaring nakikisakay lang sila sa isyu.

MANILA BAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with