^

Labag sa soberenya

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - March 27, 2021 - 12:00am

LAHAT nang usapin ngayon ay may kinalaman sa bakuna. Una, mga “tumatalon sa linya” o mga nagpapauna na mabakunahan kahit hindi naman sila ang prayoridad batay sa listahan ng DILG. Makikita ang listahan na iyan sa internet. Ang una sa listahan ay mga medical frontliners, siyempre sila ang nasa harapan ng labanan, ika nga. Kabilang din diyan ay ang mga health workers pati ang mga nagtatrabaho sa mga ospital tulad ng mga janitor, drayber, nursing aide.

Sa grupong iyan sigurado nasa libu-libo ang bilang nila sa buong bansa. Sunod sa listahan ay ang mga senior citizen. Sunod ang mga may malulubhang sakit. Sunod sa kanila ay mga pulis, sundalo at ilang sektor na mahalaga sa panahon ng ECQ. Sunod sa kanila ay mga mahihirap. Sunod mga teacher at social workers.

Titigil na ako riyan pero ang huling-huli sa listahan ay ang maiiwang mamamayan. Ipinatatawag ng DILG ang limang mayor na nagpakitang nagpabakuna kahit malayo pa sa listahan. Kailangan nilang magpaliwanag. Pero may ulat na hindi lang limang mayor ang nagpabakuna kundi mas marami pa. At ngayon, pikon na pikon na raw si DILG. Usec. Epimaco Densing sa balitang may artistang nakapagbakuna na.

Nasaan nga naman ang artista sa listahan ng DILG? Sigurado kasama na sila sa maiiwang populasyon. Naku, pero kung napipikon na si Usec. Densing, anong gagawin niya? Eh kung ang buong PSG nabakunahan nang ilegal na ipinasok na bakuna, may nagawa ba ang DILG, ang FDA, ang DOH? Nasa A4 ang mga sundalo at pulis pero mukhang sila ang nasa A1. Ganun talaga, hindi ba?  

Pangalawa, si dating Senior Associate Justice Antonio Carpio naman ang pahayag na ang bakunang donasyon ng China ay may kinalaman sa dumagsang higit 200 barko nila sa Julian Felipe Reef na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ). Para hindi na natin umano masyadong pansinin.

Ang AFP mismo ang nag-ulat ng pagdagsa ng mga barko sa nasabing karagatan. Hindi naman ito mga militar na barko pero matagal nang hinala na bahagi ito ng Chinese maritime militia na halos militar na rin ang tungkulin at pakay. Babala ni Carpio ay baka sakupin ang bahura at lumikha na naman ng artipisyal na isla. Ganyan din umano ang ginawa sa Mischief at Subi Reef na ngayon ay hindi na natin mabawi. Pati Panatag Shoal hindi na natin mabawi.

Naghain naman ng protesta ang DFA sa China hinggil sa mga barko. Pero hindi naman ito pina­pansin ng China. Mabuti pa nga ang sugo ng Pilipinas sa Iraq, si Chargé d’affaires Generoso Calonge na dati ring sundalo. Nagpahayag sa Senado na labag sa soberenya ng bansa ang pagpasok at hindi sapat ang maghain ng protesta.

Kailangang palakasin nang husto ang ating militar. Wala namang intensyong talunin daw ang higanteng bansa dahil imposible, pero dapat pumalag tayo. At dapat palakasin ang ating mga ka­alyansa, higit na ang US sa pamamagitan ng Mutual Defense Treaty (MDT). Lahat nang binanggit niya ay alam nating kontra sa mga kilos at pahayag ng Palasyo. Ano kaya masasabi nila?  

DILG ECQ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with