_ngayon
^

PSN Opinyon

Natatanging localized lockdown; Bakuna sa medical frontliners

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Alam nating lahat na muli na namang tumaas ang mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa. Kasama rito ang lungsod ng Makati na dinaragsa ng napakaraming empleyado mula sa iba’t ibang lugar na pumapasok sa trabaho araw-araw.

Matapos maitala ang pagtaas ng kaso sa magkakalapit na kabahayan sa ilang kalye ng Barangay Pio del Pilar, napagpasyahan naming isailalim sa tatlong araw na localized enhanced community quarantine (LECQ) ang dalawang zones dito upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa komunidad. Nagsimula ito noong madaling araw ng Sabado at magtatapos sa hatinggabi ng March 16.

Pinaghandaang mabuti ng lungsod ang pagpapatupad ng LECQ sa mga kritikal na lugar upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong Makatizen. Binigyan namin sila ng food packs para sa konsumo nila habang hindi pa sila pinapayagang lumabas ng bahay.

Nagtalaga rin kami ng delivery points para sa mga inorder nilang pagkain at gamit, na ihahatid naman ng mga empleyado ng City Hall sa kanilang bahay.

Mayroon ding nakatalagang hotline na matatawagan nila kapag may mga kailangan, at may personal shopper na nakatalaga sa bawat zone para maasikaso ang mga pangunahing pangangailangan nila.

Agaran naman naming isinagawa sa lahat ng mi-yembro ng bawat household ang libreng swab test na inaasahang lalabas ang resulta matapos ang dalawang araw. Kapag lahat ng miyembro ng tahanan ay nag-negatibo, aalisin na ang lockdown sa kanilang tahanan. Kapag may nagpositibo, palalawigin ang lockdown ng 14 araw, at ang nagpositibong indibiduwal ay dadalhin sa quarantine facility.

Para saan ang LECQ? Mabigat na desisyon ito ngunit kinailangang gawin namin ito upang matutukan ang mga lugar na may mga positibong kaso o suspected na kaso ng COVID-19. Mas madaling mamonitor ang tamang bilang ng mga kaso para maisagawa ng lungsod ang naaangkop na pagtugon sa sitwasyon.

Ang sinumang lalabag sa kautusan ay pagmumultahin ng P5,000 sa una at ikalawang offense. Sa ikatlo at mga susunod na offense, may dagdag na parusang pagkakakulong ng hanggang isang taon bukod pa sa multang P5,000.

Mabigat ang implikasyon ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa isang komunidad. Kaya naman, ako po’y nakikiusap na manatili po muna sa kanilang mga tahanan ang lahat habang nag-aantay ng resulta ng swab test.

* * *

Alam kong kailangan nang lumabas, magtrabaho, at sanayin ang sarili sa bagong takbo ng pamumuhay ang ating mga #ProudMakatizen, upang matugunan ang pinansyal na pangangailangan. Kaya naman talagang pinupursigi namin na mabilis nang mai-roll out ang bawat batch ng bakuna kontra-COVID na ibinabahagi ng pambansang pamahalaan.

Sa ngayon, medical frontliners at hospital personnel pa lamang ang ating nabibigyan ng bakuna. Noong nakaraang linggo ginanap ang ikalawang round ng pagbabakuna sa Ospital ng Makati (OsMak) kung saan 509 na kawani ang tumanggap ng AstraZeneca vaccines. Ito ay mula sa supply na 160 vials na ibinigay ng Department of Health (DOH) na nagmula naman sa COVAX program ng World Health Organization.

Aabot sa 800 katao ang kayang mabakunahan sa 160 vials, o limang katao sa isang vial. Sa ngayon, mayroon nang 766 empleyado ang nagpalista para tumanggap ng AstraZeneca vaccine, sa pangunguna ni Dr. Doris Mariebel D. Camagay, Director of Clinical Division, Family and Community Medicine Specialist sa OsMak.

Patuloy nating inuuna ang medical frontliners sa pagbabakuna dahil mapanganib ang kanilang trabaho at anumang oras ay maaari silang mahawa sa inaalagaang COVID patients. Kapag dumami ang nagkasakit sa kanilang hanay, maaaring gumuho ang ating healthcare system dahil wala nang mangangalaga sa mga maysakit.

Mahal kong Makatizens, paulit-ulit akong nakikiusap na sundin natin ang lahat ng paraan ng pag-iingat upang maiwasang magkasakit at makipagtulungan sa pamahalaan. Labis na nakakabahala ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ating lungsod. Lagi sana nating isipin ang kapakanan ng nakararami. Dalangin ko sa bawat araw ang kaligtasan ng bawat isa sa atin.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with