^
EDITORYAL - Cha-Cha sa panahon ng pandemya

EDITORYAL - Cha-Cha sa panahon ng pandemya

(Pilipino Star Ngayon) - March 7, 2021 - 12:00am

Hindi pa humuhupa ang pananalasa ng COVID-19 sa bansa at tumataas pa ang kaso sa ilang lugar. Kinatatakutan din ang pagdami ng kaso ng South African variant ng COVID. Kasisimula pa lang ng rollout ng bakuna at pawang health workers pa lang natuturukan. Sa Mayo pa umano ang mass vaccination. Problema ngayon ang kawalan ng trabaho nang maraming mamamayan. Maraming nagugutom na pamilya.

Sumasabay pa ang iba pang mga problema gaya ng African Swine Fever (ASF) na nakaaapekto sa mga babuyan sa bansa dahilan para magmahal ang karne. Wala rin namang tigil ang pagtaas ng gasoline, diesel at LPG. Apat na linggo nang sunud-sunod ang pagtaas ng petroleum products at walang naririnig na pagbatikos mula sa mga mambabatas at iba pang sector.

Sa gitna ng mga problemang ito na nakasakmal sa bansa, ang pag-amyenda sa 1987 Constitution ang pinagtutuunan ng pansin nang mga mambabatas. Sa halip na ang unahin ay ang mga solusyon kung paano mahaharap nang maayos ang pandemya at mabawasan ang mga nagkakasakit ang pagpapalit ng Konstitusyon ang prayoridad.

Sa halip na gumawa ng batas para matulungan ang mga naapektuhan ng pandemya, ang pinagkakaabalahan ay ang pag-amyenda sa kasalukuyang Charter? Dapat ba itong gawin habang sa kasalukuyan ay nagdaranas nang matinding hirap ang mamamayang sinalanta ng pandemya.

Sinabi ni House Speaker Lord Allan Velasco na ipagpapatuloy nila ang balak na pag-amyenda sa economic provisions sa 1987 Constitution. Hindi pa umano “patay” ang kanilang pagnanais na maam­yendahan ang 34 na taong Constitution. Hindi rin daw totoo na wala na silang kakampi sa Senado. Ayon kay Velasco, nakausap na umano niya si Senate President Tito Sotto ukol dito. Mayroon pa umano silang isang taon para talakayin ang Charter amendments. Hindi umano sila nagmamadali.

Hindi napapanahon ang pag-amyenda sapagkat ang bansa ay maraming problema. Pagdududahan ang pag-amyenda sapagkat maaring magsingit ang mambabatas ng provisions na magpapalawig sa kanilang termino o para hindi na sila makaalis sa puwesto. Nagiging makasarili ang mga mambabatas sa nangyayaring ito.

LPG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with