^
EDITORYAL - Maging alerto sa pekeng bakuna

EDITORYAL - Maging alerto sa pekeng bakuna

(Pilipino Star Ngayon) - March 5, 2021 - 12:00am

Ngayong nagsimula na ang rollout ng bakuna at patuloy ang pagdating pa ng mga bakuna, dapat maging alerto ang mga awtoridad sa pagdagsa naman ng mga pekeng bakuna. Sasaman­talahin ng mga ganid na negosyante ang sitwas­yon para sila kumamal ng pera. Ang mga hayok na negos­yante ay pinapasok ang lahat nang pagkakakitaan. Napabalita kamakailan na maraming illegal na Chinese clinic ang nagsasagawa ng pagbabakuna at ang mga pasyente ay mga Chinese rin na nagtatrabaho sa POGO.

Noong Lunes, nagsimula na ang pagbabakuna sa mga health workers sa pangunguna ng mga pinuno­ ng ospital gamit ang Sinovac. Sa unang araw ay kaka­unti ang bilang ng mga nagpabakuna pero nang sumunod na araw ay dumami na ang mga ito. Kahapon ay nadagdagan pa ang mga health workers na nagpabakuna. Nagbago na ang kanilang paniniwala sa bakuna at nawala na ang alinlangan. Mala­king tulong din sa pagbabago ng kanilang pasya na magpabakuna na ang ginawa ng mga hepe ng ospital na nagpaturok sa publiko. Dahil sa nakita, tumaas ang kumpiyansa at nawala na ang agam-agam sa Sinovac. Sabi ng Malacañang, mala­king tagum­pay ang isinagawang pagbabakuna sapagkat nagkakaroon na ng tiwala ang karamihan. Inaasahan na ang magiging matagumpay din ang vaccine rollout sa mga probinsiya. Nagsimula na kahapon ang delivery ng bakuna sa mga probinsiya kabilang ang Davao at Cebu.

Inaasahang sunud-sunod na ang pagdating ng mga bakuna. Habang sinusulat ito, inaantabayanan na ang pagdating ng bakunang AztraZeneca. Sa huling linggo ng Marso ay mayroon pa umanong paparating na bakuna. Sabi ng isang mataas na opis­yal, maaaring sa Mayo pa umano magkaroon ng mass vaccination. Kapag nagsunud-sunod pa ang pagdating ng mga bakuna, maaaring maisa­katuparan na ang mabilis na rollout ng bakuna.

Nakikita na ang unti-unting pagbabago sa bansa nang magsimula ang rollout ng bakuna. Marami ang nabuhayan ng loob. Nagkaroon ng pag-asa. Pahi­watig na babalik na sa normal ang pamumuhay pero dapat pa ring mag-ingat at sumunod sa health protocol.

Ang dapat bantayan ngayon ay pagdating din naman ng pekeng bakuna. Nararapat na maging alerto ang Customs sa NAIA sapagkat tiyak nang maraming magpapasok ng peke. Maging maingat ang mamamayan at baka mabiktima ng pekeng vaccine.

POGO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with