^

Komunistang China, hindi mamamayan, ang kalaban

SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - March 5, 2021 - 12:00am

Galit lahat tayong Pilipino sa pang-aagaw ng China ng mga bahura. Ilan sa atin ay nagiging racist. Nilalait nila ang lahing Chinese. Pati mga Chinoy, o Pinoy na dugong Chinese, ay kinakalaban. Maling asal ‘yon.

Marami akong kaibigang Chinese. Nakilala ko sila sa mga biyahe sa China para sa saliksik o bakasyon. Kara­mihan ay ‘di alam ang pambu-bully ng People’s Liberation Army sa West Philippine Sea. Ang alam nila ay bawal silang mag­salita laban sa mga pinunong komunista. Nais lang nila ma­muhay nang tahimik, mapag-aral ang mga anak, at ma­kapasyal sa Boracay. O ‘di ba, parang tayo rin sila, pare-pareho ang pangarap?

Marami rin akong kaibigang Chinoy. Isinilang sila sa Pilipinas. Ito ang tahanan ng kanilang lahi. Tapat silang mga Pilipino. At galit sila sa agresyon ng PLA sa karagatan nila ... natin.

Halos lahat tayo ay Chinoy. Tuntunin ang mga ninuno: tiyak may isa man lang na Chinese na nahalo sa dugong Malay natin.

Ako man ay Chinoy. Purong Chinese ang lolo ko sa ina. Isinilang siya sa Cavite, sa mga maralitang migrante mula Fujian. Manugang ng Katipunero, makabayan niyang isinulong ang pagtatag ng Air Force. Tulad niya huma­hanga ako sa sibilisasyon ng Malay at ng China.

Ang bumubusabos sa Pilipinas ay mga komunistang naghahari sa Beijing. Sa Chinese Communist Party-Cen­tral Military Commission sumusunod ang PLA at ang China Coast Guard.

Diktadurya ang CCP. Bawal ang mamamayan na mamahayag, sumampalataya, o magtipon para sa katarungan. Walang halalan; CCP Central Committee ang pumipili ng mga mauupo sa National People’s Congress at mga lokal na posisyon. Militar ang pandagok sa taum­bayan.

Imbento lang ng CCP ang “nine-dash line” para sakupin­ ang WPS at dagat ng Brunei, Indonesia, Malaysia at Viet­nam. Ninanakaw ang pangisdaan, langis at gas, at mi­neral at medisina mula sa dagat. Ganid ang CCP. Balak dominahin ang mundo ng ideyolohiya nila.

PILIPINO
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with