^
internet safety for children
When we bring our kids to the mall or any unfamiliar place, we always keep a firm grip and a close eye. But the internet is bigger than any mall, and the criminals are harder to spot.
Jay Wennington via Unsplash

The Hows of Tita Jing: Tips para maging ligtas online

KasamBuhay - Jing Castañeda (Philstar.com) - March 3, 2021 - 12:10pm

Bilang broadcast journalist ng ABS-CBN, marami akong mga naging report ukol sa mga naloloko o nabibiktima ng mga scam sa Internet. Nais kong ibahagi sa inyo ang ilan sa kanilang mga kuwento. Pero pinalitan ko ang kanilang mga pangalan para maprotektahan ang kanilang pribadong buhay.

Nag-aaral si Karen sa isang exclusive girls’ school. Ilang linggo na niyang ka-chat ang isa sa kanyang mga kabarkada na nagyayayang sila'y magkita. Pumayag siya, pati na ang kanyang mga magulang.

Ngunit sa isa nilang chat, may sinabing kakaiba ang kanyang kaibigan na pinagdudahan ni Karen. Kaya nagsimula siyang magtanong-tanong sa ibang mga kaklase. Doon niya nalamang ang kanyang kabarkada na inakala niyang kausap niya ay nasa ibang bansa pala. Sabi ng kanilang mga kaklase, na-hack ang Facebook account ng kanyang kabarkada. Samakatuwid, isang taong ni hindi nila kakilala ang ka-chat pala ni Karen at nagyayaya sa kanyang makipagkita. Kaya laking pasalamat ni Karen at nabuko niya ito. Kung hindi ay baka natangay na-kidnap na siya!

Sina John at Brian ay parehong teenager – at dahil mga lalake – natuwa silang magkaroon ng bagong online friend na isang magandang babae. Nakipag-kaibigan ito at dahil napakaganda ng larawan niya sa kanyang Facebook page, agad na pumayag sina John at Brian. Hindi nagtagal, sinabihan sila ng babae na, "kapag pinadalhan ninyo ako ng inyong hubad na larawan, ipapadala ko rin sa inyo yung sa akin."

Nagpadala naman sila, kaya sila na-blackmail. "Kung hindi kayo magpapadala ng pera, ipakakalat ko ang nude pictures ninyo sa Internet." Dahil sa takot, pinadala ni John ang kanyang laptop, cell phone at camera habang si Brian naman ay nagsumbong sa kanyang mga magulang. Lumapit sila sa NBI, at natunton ang pinagmulan ng mensahe – isang sindikato sa Pampanga. 

Ngunit hindi lang mga bata ang nabibiktima ng scammer. Naloko rin ang isang lola ng kanyang Internet boyfriend at natangayan siya ng tatlong milyong piso!!

Paano mananatiling ligtas sa bagong digital world?

Kapag dinala natin ang ating mga anak sa mall o sa isang bagong lugar, palagi natin silang hawak at binabantayan. Alam natin na posibleng may criminal o kidnapper na puwedeng humila sa kanila.

Ngunit ang Internet ay mas malaki pa sa anumang mall, at mahirap matukoy ang mga manloloko. Nagpapanggap silang mga kaibigan at nakikipag-usap sila sa ating mga anak nang hindi natin alam -- kahit anong oras at kahit saan. Bilang dating Program Director ng Bantay Bata 163, marami kaming natatanggap na report ng ganitong mga kaso.

Maraming mga benepisyo ang internet. Ngunit paano ba natin mapapanatiling ligtas ang ating sarili at ang ating mga anak online?

Ang Pebrero ay Safer Internet Month. Kaya inimbitahan ko sina UNICEF Safety Officer RA Villafranca at youth leader Jefferson Escalada (mula sa Ideas Positive Alumni Community, Western Visayas) para magbahagi ng mahahalagang tips kung paano mapananatiling ligtas ang ating mga anak at ang ating mga sarili online (Panoorin ang buong interview rito).


1. Ituro sa mga anak ang ‘Stranger Danger'

"Noong ako'y bata pa, kailangan kong maglakad patungo sa bahay ng aking tutor. Palagi akong sinasabihan ng mga magulang ko na huwag makipag-usap sa hindi kakilala," sabi ni RA.

Ngayon, lagi tayong nakikipag-usap sa mga hindi natin kilala: sa online forums, Messenger groups, at social media chats. Sa pamamagitan ng internet, nakakasali tayo sa masasayang online communities. Dito tayo nakakakilala ng mga taong kapareho natin ang interes.  Subalit dahil din dito, nakalilimutan natin na wala tayong malalim na impormasyon tungkol sa ating online "friends."

"Kailangan mong tratuhin ang mga nakikilala mo online bilang strangers, kahit gaano na katagal natin silang kausap," sabi ni Jeff. Alalahanin nating maaari silang gumamit ng pekeng pagkakakilanlan, lalo na kung masama ang kanilang intensyon. Kaya huwag magbigay ng mahahalagang personal na impormasyon na maaaring magamit sa cybercrime at mga scam. Kabilang dito ang buo mong pangalan, edad, lokasyon, paaralan o opisina, mobile number, plano sa pagbiyahe o schedule ng pamilya.

Dapat ding i-follow ng mga magulang ang social media accounts ng kanilang mga anak para mapaalalahanan sila kung masyado na nilang inilalantad ang kanilang buhay sa publiko. Importante ring maagapan natin kapag may kaduda-duda silang pinag-uusapan. "Ipaliwanag natin sa kanila na hindi naman sa nakikialam tayong mga magulang, kundi nais lang natin silang protektahan," sabi ni Jeff. 

2. Sundin ang instincts

Kung hindi na tayo komportable sa pakikipag-usap online, okay lang na itigil ang pakikipag-chat o tuluyan na nating i-block ang ating kausap.

3. Iwasan ang doomscrolling

Dahil sa Internet algorithms, parati nitong iminumungkahi ang mga artikulo at ads na may kaugnayan sa dati na nating na-click. Kaya kung patuloy tayong magbabasa ng negatibong balita o mag-follow o like sa "toxic" accounts, dadagsain tayo ng ganito ring klase ng mga content. Ito'y maaaring makadagdag sa stress at depression. Huwag maging negatibo. Ayon sa YouTube at Google, puwede nating piliin ang "I don't like this content" (i-click ang tatlong tuldok sa kanang bahagi ng inirerekomendang post) upang makontrol natin ang pumapasok sa ating feed. Iwasan din ang anumang "hate posts" na makikita sa mga komento. Sabi nga, "Don't feed the trolls."

Nagpapanggap silang mga kaibigan at nakikipag-usap sila sa ating mga anak nang hindi natin alam—kahit anong oras at kahit saan.

 

4. Laging magbasa ng positibong content

Tulad ng ating pagpili ng kaibigan sa totoong buhay, dapat din nating piliin ang mga relasyon na binubuo natin online – maging ito ay sa social media accounts na inyong sinusubaybayan, mga forum na inyong sinasalihan o news sites na inyong pinagkakatiwalaan.

Tandaan natin na binibigyan natin sila ng oras at lakas, kaya mayroon tayong karapatang mamili kung ano ang lumalabas sa ating feeds.

Tanungin natin ang ating mga sarili kung nakatutulong ba ito para tayo'y mas maging malakas at masaya. Nagbibigay ba ito ng impormasyong nagpapaganda sa ating buhay at gumagabay sa atin para makapagdesisyon nang tama? Obserbahan natin ang ating pakiramdam pagkatapos basahin ito.

Dapat din nating tulungan ang ating mga anak na iproseso ang kanilang nababasa at sabihin sa kanila na kausapin tayo kung may post o komento na nakababahala sa kanila. Habang kumakain, maaari nating hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang kanilang nabasa online – maging mabuti man ito o masama.

Sabi nina RA Villafranca (UNICEF Child Protection Officer) at ang youth leader na si Jeff Escalada (Ideas Positive Alumni Community, Western Visayas) kailangang laging paalalahanan ang mga bata na huwag makipag-usap sa mga hindi nila kilala – online man o sa totoong buhay.

5. Maglagay ng online safety measures

Inirerekomenda ni RA ang pagbabago sa privacy settings ng social media accounts. Maraming platforms tulad ng Tiktok at YouTube na nagbibigay ng kontrol sa mga magulang para sa account ng kanilang menor de edad na anak para maalis nila ang anumang content na hindi akma sa edad ng mga bata. Ang chat apps gaya ng Messenger Kids ay nagbibigay ng proteksiyon upang hindi sila makontak ng mga hindi kakilala.

Totoo namang hindi ng mga ito mapipigilan ang ating mga anak na gumawa ng sariling accounts nang pa-sikreto. Kaya nga dapat natin silang bantayan AT turuan. Kausapin natin sila at paliwanagan kung bakit mahalaga ang online safety. Magbigay din tayo ng mga panuntunan sa paggamit ng internet.

6. Piliin ang mabuti

Kaya nating gawing mas positibo at hindi "toxic" ang Internet. Purihin ang sinuman dahil sa kanyang post na nakakapagbigay-inspirasyon. Mag-isip bago magkomento nang negatibo. Mag-ingat sa ating pananalita. Kahit biro ay maaring masamain, lalo pa't walang kasamang body language ang ating mga post.

7. Maging konektado sa totoong buhay.

Hindi dapat palitan ng online relationships ang totoong relasyon. Subalit nakalulungkot na ayon sa mga pag-aaral, nabawasan ang kagustuhan ng mga kabataan na makihalubilo. Naaapektuhan din nito ang kanilang kakayahang matuto ng tamang pakikitungo sa tao.

Sa artikulong How Using Social Media Affects Teenagers, sinabi ng researchers na delikado ang online chats at text messages dahil wala itong personal touch. Ibig sabihin, hindi nito nakikita ang body language at hindi mo nakikita ang epekto ng iyong sagot sa iyong kausap. Kaya hind nakapagtataka na sinasabi ng mga bata na masyadong intense ang pakikipag-usap sa telepono dahil hindi sila sanay sa direct communication.

Kaya importanteng gumawa tayo ng mga oportunidad para sa mga bata na makipag-usap sa ibang tao sa totoong buhay. Patayin ang telepono sa oras ng pagkain. Gugulin ang isang hapon kada linggo nang walang gadget. Kahit pa mainip at maging kakaiba ang pakiramdam sa umpisa, matututo ang mga bata kung paano magsimula ng kuwentuhan.

8. Mag-ingat sa cams, links at emails

Mag-ingat sa paggamit ng Zoom. "Patayin ang camera kung hindi kailangan sa klase o sa meeting, at ilagay ang camera sa lugar kung saan wala gaanong makikitang detalye sa inyong bahay," sabi ni Jeff. Pinag-iingat din niya ang mga tao sa pag-click ng kaduda-dudang links, na posibleng makapag-hack sa ating impormasyon. Totoo ito, lalo na sa Facebook games na sikat ngayon sa mga kabataan.

Bumili ng magandang security program na makakapag-block sa kaduda-dudang links at websites. Gumawa ng email accounts para sa pag-sign up sa newsletters o apps – kung saan ang email address ay hindi naglalaman ng ating buong pangalan, o hindi natin ito ginagamit sa trabaho, transaksiyon sa mga bangko, o personal na pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan at pamilya.

9. Mag-isip bago mag-share.

Nais nating ipagmalaki na honor ang ating anak subalit huwag natin i-post ang kanyang report card, kung saan makikita ang kanyang pangalan at paaralan. Hindi rin dapat i-post ang personal na mga dokumento tulad ng passport, IDs, at iba pa.

Maging maingat din sa pag-a-anunsiyo na plano nating bumiyahe, pagsi-share ng larawan ng ating bahay, o maging mga detalye kung saan tayo nagtatrabaho. Maaaring gamitin ito ng mga sindikato para kunin ang ating larawan at detalye ng trabaho at gamitin ito para gumawa ng pekeng ID.

10. I-report ang mga kaduda-dudang aktibidad sa awtoridad

Pakiramdam niyo ba ay nabiktima kayo ng scams, identity theft, o Internet fraud? Magsumbong sa mga awtoridad! Kumuha ng screenshots bilang ebidensiya. I-block ang user at i-report ang kaduda-dudang Facebook accounts o mapang-abusong Twitter accounts.

Kung pakiramdam ninyo ay nabiktima ang inyong anak ng cyberbullying o online predators, tumawag sa hotline ng Bantay Bata na 1-6-3. Maaari kayong makakuha ng payo mula sa social workers, at libreng counseling mula sa psychologists. Tutulungan din nila kayong magsumbong sa pulis o sa local government units kung kailangan.

Mahalaga ang kaligtasan sa Internet, lalo na ngayon na mas matagal tayong online dahil sa distance learning o sa trabaho. Sa susunod na linggo, pag-uusapan naman natin kung paano gagawing mas ligtas ang ating social media accounts. Kaya manatiling nakatutok sa ating serye ukol sa online safety at security.

Para sa iba pag detalye, maaari niyong panoorin ang highlights ng aking panayam sa aking YouTube Channel..

 

--

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa jingcastaneda21@gmail.com You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, Youtube, Twitter, and Kumu.

CHATROOM INTERNET SCAMS ONLINE EDUCATION PARENTING
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with