^

Ano ang nangyari?

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - March 2, 2021 - 12:00am

MISENCOUNTER. Ilang beses na nating narinig iyan sa panig ng mga pulis, sundalo at iba pang ahensiya. Marami nang nakaalam sa naganap na “misencounter” sa panig ng QCPD at PDEA sa Commonwealth Ave. noong Miyerkules. Hindi talaga nawawala ang mga usyoso kaya may mga lumalabas na amateur video ng barilan. Tila dig­maan sa sunud-sunod na putok.

Nang matapos ang putukan, dalawang pulis ang kumpirmadong patay. Pero kinabukasan, isang PDEA agent at isang informant ang nadagdag sa casualties. Sumatotal, apat ang patay sa madugong misencounter. Ano ang nangyari?

 Sa ngayon, walang makapagsabi kung bakit hindi alam ng dalawang panig ang kausap sa sinasabi nilang “legitimate operation”. Akala ng magkabilang grupo mga nagbebenta ng ilegal na droga ang kausap nila. Pero sa mga unang ulat, may bumunot at nagpaputok kaya naganap ang barilan. Hindi ba nagpakilala kaagad ang magkabilang grupo para tumigil muna ang putukan?

Wala bang koordinasyon ang dalawang grupo sa isa’t isa? Wala bang tiwala sa isa’t isa kaya ganyan? Malungkot sabihin na sa kasaysayan natin, madalas mauna ang barilan bago paliwanag.

 Ang pinakamasamang misencounter na naganap ay ang nangyari sa SAF-44, bagama’t pagpuksa ang itina­wag­ ng Senado sa insidente dahil sa malupit na pagpatay ng MILF at BIFF sa mga SAF. Ganundin, hindi alam ng AFP na may operasyon ang SAF at hindi rin inabisuhan ang MILF na may operasyon laban sa isang kilalang tero­rista.

May kapayapaan na sa pagitan ng gobyerno at ng MILF noong panahong iyon. Sinisi ng MILF ang PNP dahil nga hindi raw sila sinabihan. Nagulat na lang at may mga armadong tao sa kanilang teritoryo. Naging matagumpay ang misyon ng SAF pero buhay nila ang naging kabayaran. Mga tinuring na bayani silang lahat.    

Sa ngayon, gagawa ng imbetigasyon ang PNP at PDEA sa naganap na enkuentro, at pananagutan daw ang may sala. Ewan ko naman kung aamin ang sinumang grupo na mga tauhan nila ang may sala, lalo na’t may mga namatay sa hanay nila kaya inutos na ni President Duterte na ang NBI ang mag-iimbestiga sa insidente. Tama lang iyon.

May imbestigasyon din ang Senado at Kamara. Sigurado ako nais malaman ng lahat kung ano ang totoong nangyari. Pero nakakatakot ding isipin na tila napakadaling magkamali ang mga tagapagpatupad ng batas. Mabuti na lang at walang mga sibilyang namatay. Pero paano kung mapagkamalan kang kriminal? May panahon ka bang magpaliwanag o pauulanan ka na lang ng bala?

PDEA PNP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with