^

Makabagong pamamahala at responsableng mamamayan: Wagi kontra COVID!

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay (Pilipino Star Ngayon) - March 1, 2021 - 12:00am

Tiyak na maraming natuwa sa bagong guidelines ng IATF na tinatanggal na ang mandatory quarantine sa mga lugar na pupuntahan saan man sa bansa, maliban na lamang kung nakitaan kayo ng sintomas tulad ng lagnat at ubo. Hindi na rin kailangan ng travel authority at health certi­ficate upang makabiyahe at makapamasyal sa ibang lugar, at depende na sa pamahalaang lokal ng destinasyon kung kailangan pang magprisinta ng negative RT-PCR test result.

Kabilang ako sa nagagalak sa mga bagong direktibang ito dahil mapapabilis ang ating pagbangon mula sa pandemya. Ang mas malayang pagkilos ng mga mamamayan­ ay nagbibigay-daan sa muling pagsigla ng mga negosyo, lalo na ang mga nakasalig sa turismo, tulad ng mga resort, hotel, restaurant, travel agency, airline at iba pang uri ng transportasyon.

Sang-ayon din ako sa pagpapatuloy ng mahigpit na pag­papatupad ng minimum health standards dahil hindi tayo dapat maging kampante. Gawin na nating parte ng ating pamumuhay ang pagsusuot ng face mask at face shield saan man sa labas ng sariling bahay, pag-obserba ng physical distancing, palagiang paghuhugas ng mga kamay, at pagpapanatiling malinis ng kapaligiran sa bahay man o sa trabaho. Ayon sa mga eksperto, ang mabilis na pagdami ng kaso ng COVID-19 ang karaniwang sanhi ng mutation na pinagmumulan ng bagong strains o variants­ ng virus. Kaya naman todong pag-iingat ang kailangan natin upang maiwasan ang mga bagong panganib na ito at mapanatiling epektibo ang mga bakunang ginagamit na sa buong mundo.

Naniniwala akong ang pagbabakuna ang siyang pina­ka­mabisang paraan upang tuluyan nating magapi ang pan­demya, na maihahalintulad natin sa isang digmaan. Hindi ito maipapanalo ng pamahalaan nang walang sapat na suporta mula sa mga mamamayan.

Sa Makati, patuloy ang aming paghahanda sa pagdating ng mga bakuna upang maitaas ang kumpiyansa ng Makatizens sa Bakuna Makati bilang isang ligtas at mabisang programa. Nagbigay-daan naman ito sa mas makabuluhang paggamit ng teknolohiya. Sa pamamagitan ng online registration, mapapalawig ang aming Health Information System dahil magagawan ng digital folder ang bawat magrerehistro, at ito na ang magsisilbing centralized database ng medical files ng mga pasyente ng aming health centers at ng Ospital ng Makati. Nakakabit din sa Bakuna Makati ang QR Code System upang mabilis na matukoy kung sino ang mga nabakunahan saan man sila magpunta. Gagamitin din ang Geographic Information System (GIS) ng Makati para sa mapping at monitoring ng vaccination status ng aming mga barangay.

Tiniyak din naming hindi mapepeke ang aming vaccination cards sa pamamagitan ng paglalagay ng holographic sticker sa bawat vaccination card ng Makati bilang security feature kasama ng QR Code.

Ang lahat ng mga ito ay bahagi ng aming paghahanda para sa maayos na pagpapatupad ng programa, umpisa sa Phase I hanggang sa makumpleto ang Phase II. Inaasahang mahigit 30,000 ang mababakunahan sa Phase I, kabilang ang lahat ng medical frontliners at health workers ng lungsod at ng pribadong sektor. Tinatayang nasa 3,000 mula sa Makati Medical Center, 600 sa St. Clare’s Medical Center, at libo-libo pa ang magrerehistro mula sa HMO industry at mga pribadong health facilities sa lungsod.

Tulad ng aking nasabi, tayong lahat sa Makati at sa ibang panig ng bansa at ng mundo ay nasa isang digmaan. Mananalo lamang tayo kung sama-sama at sabay-sabay tayong kumilos at makipaglaban sa virus na lubhang mapanganib at mapanlinlang. Tungkulin ng bawat mamamayan na alamin ang mga tamang impormasyon tungkol sa COVID-19 vaccine bago magdesisyon kung magpapabakuna o hindi. Gamitin sana natin ang kapangyarihan ng social media upang malinawan tungkol sa kabutihan ng pagbabakuna, sa halip na magpadala sa mga pananakot na ipinapakalat ng mga fake news.

Naniniwala akong matatalino ang Makatizens at ang sambayanang Pilipino, at isang patunay nito ang kakayahang gumawa ng “informed decision”. Huwag tayong magpapatalo sa takot at makasariling pananaw, bagkus ay aktibong makibahagi sa mga isinasagawang hakbang tungo sa minimithing COVID-free communities sa buong bansa at sa buong daigdig. Sana’y alalahanin din natin na sa mga darating na panahon, mayroon pa ring mga bagong krisis na kakaharapin ang sangkatauhan. Bago pa mangyari ito, nawa’y nakabawi na tayo mula sa kasalukuyang pandemya.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with