^

Bakuna pa rin ang kailangan

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 23, 2021 - 12:00am

UMALMA kaagad ang mga mayor sa Metro Manila sa unang desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Ma­nagement of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na payagang magbukas na ang mga sinehan at amusement arcades. Dalawa hanggang tatlong oras ang sine, kung saan ang manonood ay nakakulong sa isang lugar na hindi naman tuluy-tuloy ang daloy ng bentilasyon.

Kaya kung sila ang tatanungin, hindi na muna papa­yagang magbukas ang mga sinehan. Kinukuwestiyon din ng ilang senador ang desisyon ng IATF na tila mas importante pang buksan na ang mga sinehan at palaruan imbes na ang mga paaralan. Nagkasundo na sa Marso na lang papayagang buksan ang mga sinehan, kung gumanda rin ang sitwasyon.

 Magaganda naman ang mga punto ng mayor at senador. Ako, kahit bukas na ang mga sinehan ay may pag-alinlangan pa rin akong manood dahil nga nakakulong ka kasabay ang ilang tao na hindi mo naman alam kung malusog o hindi. Hindi pa tapos ang pandemya. Sunud-sunod na araw na ngang higit 1,000 ang nagpo­sitibo sa COVID-19.

 Sa gusto nating lahat na bumalik na sa normal ang buhay, kailangan pa ring mag-ingat. Alam kong mara­ming negosyo ang umaalma na at nais buksan nang husto ang ekonomiya. Pero wala pang bakunang pumapasok sa bansa. Magtataka ka nga na mga pribadong kompanya at mga lokal na pamahalaan pa ang kumikilos para makakuha ng sarili nilang bakuna imbes na ipaubaya na lang sa administrasyon.

Si Manila Mayor Isko Moreno ay naglabas na ng P34.8 milyon para sa 800,000 doses ng AstraZeneca. Ayon kay Presidential Spokesperson Roque, nauubos na raw ang pasensiya ni President Duterte sa tagal ng pagpasok ng bakuna sa bansa, kaya dapat kumilos na raw dahil nagsalita na ang Presidente. Kung hindi ba magsasalita ang Presidentre walang mangyayari? 

Hangga’t hindi pa nababakunahan ang target na 70 percent ng populasyon ay may posibilidad pa ring kumalat ang virus. Marami pa nga ang hindi pa sigurado o ayaw pa munang magpabakuna dahil sa iba’t ibang dahilan. Kailangang matukoy rin ito ng gobyerno at ibalik ang tiwala­ sa publiko sa mga bakunang darating. Nakaka­gulat na rin nga ang dami ng tao na nasa labas ngayon. Mara­ming­ lugar kasi ang nagbukas na sa publiko. Sabihin na nating marami naman ang nagpupursigi na sundan ang physical distancing at ang pagsuot ng face mask at face shield pero kapag dumami na ang tao mahirap nang ipa­tupad ang distansya sa isa’t isa.

COVID-19 IATF
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with