^

Bayad muna

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - February 16, 2021 - 12:00am

“WE want Visiting Forces Agreement (VFA) to continue”. Ito ang saloobin umano ng Department of National Defense at AFP. Sa ngayon kasi ay tila hindi alam ang estado nito dahil sa ipinawalambisa na lang ni President Duterte pero binawi na muna. Kung si Defense Sec. Delfin Lorenzana ang tatanungin, nais niyang ipagpatuloy ang VFA kasama na rin ang Mutual Defense Treaty (MDT) kung saan may kasunduan ang Pilipinas at US na kung sakaling salakayin ang isa ng ibang bansa ay tutulong ang kabila. Tiyak may kinalaman ito sa pag-aangkin ng China sa buong South China Sea kung saan may interes din ang Pilipinas. Sa pag-iisip ni Lorenzana, kailangan natin ng malakas na kaal­yado. At tama rin naman at hindi natin kayang tapatan ang lakas-militar ng China. 

Pero para kay Duterte, dapat magbayad daw muna ang mga Amerikano kung nais ipagpatuloy ang VFA. Mukhang ganito ang naririnig mula sa Palasyo ngayon. Magbayad daw muna ng mga buwis ang ABS-CBN kung nais magkaroon ng panibagong prankisa, kahit sinabi na ng BIR na walang pagkukulang ang ABS pagdating sa buwis. Pati ang DBP nagsalita na rin na walang anomalya ang naganap na mga transaksyon sa pagitan ng DBP at ABS. Tila pinatamaan nga ni Sen. Panfilo Lacson si Duterte sa kanyang tweet sa US na hindi lahat ng Pilipino ay mangingikil.  

Magbayad naman kaya ang US kung sa aking palagay lang ay mas malaki ang pakinabang ng Pilipinas sa kasunduang ito? Ano na kaya ang mangyayari sa karagatan kung hindi na lumalayag ang mga barkong pandigma ng US at wala nang mga ehersisyo sa pagitan ng AFP at ng US Navy, Marines? Hindi na nga sasali ang ating Philippine Navy sa gagawing mga ehersisyo ng mga kaalyado tulad ng US sa mga pinagtatalunang karagatan dahil ayon kay Lorenzana ay nagmamasid ang China. Marami raw ang magagawa ng gobyerno ng China sa atin kung magalit sila.

Minsan hindi ko maintindihan ang katayuan ng mga opis­yal natin. Eto at nasa kalagitnaan tayo ng pag-moderno ng ating Sandatahang Lakas tulad ng pagbili ng mga bagong barko at eroplanong pandigma. Pero ayaw naman nating galitin ang China? Ang bansang katunggali nga natin sa mga teritoryo sa karagatan kung saan may go-signal na ang kanilang malalaking barkong coast guard na gumamit ng dahas kung makaengkuwentro ng barko ng dayuhang bansa sa loob ng kanilang inaangking teritoryo? Kung magpapa­tuloy ang pagmoderno ng AFP, paano kaya kung pati iyon ay punahin na rin ng Beijing? Paano kung nais nating bumili ng karagdagang armas para sa mga bagong frigates natin tulad ng anti-ship missiles mula sa US? Hindi kaya umalma ang Beijing at pigilin ang pagbili? Ano kaya ang gagawin ng gobyerno kung ganun na nga ang mangyari?

VISITING FORCES AGREEMENT
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with