^

Sindikato sa pork ang tugisin!

AKSYON NGAYON - Al G. Pedroche (Pilipino Star Ngayon) - February 11, 2021 - 12:00am

May katwiran ang mga maliliit na meat vendors na huwag na lang munang magbenta ng karneng baboy dahil sa napakababang price ceiling na itinakda ng pamahalaan na P259 kada kilo. Luging-Lugi sila sa presyong ito dahil napakataas ng hango nila sa karne sa mga malalaking suppliers na ginagawang alibi ang kakulangan sa supply nito. Kaya nga, nagulantang ang mga mamimili nang biglang tumaas ang halaga ng baboy na umabot sa P400 bawa’t kilo.

Ang mga malalaking negosyanteng nagsasamantala sa sitwasyon ang dapat kastiguhin at panagutin ng pama­halaan.

Nagkaroon ng shortage sa pork supply dahil sa pagla­ganap ng African swine flu. Nananawagan ang Malacañang sa mga meat vendors na itigil na ang pork holiday. Pero hindi naman mayaman ang mga nagtitingi ng karneng baboy. Hanapbuhay nila ang pagtitinda ng karne, bakit sila magbebenta kung ito ay ikalulugi nila?

Puwede sigurong mangyari ang nais ng Palasyo kung handang magbigay ng subsidy ang gobyerno sa mga nag­titinda ng pork at nang hindi naman sila nawalan ng ganan­sya. O kaya naman, tukuyin ‘yung mga negosyanteng nag­sasamantala lang sa sitwasyon upang magkamal ng mas malaking tubo.

Sa isang banda, makabubuti ito sa promotion ng ma­buting kalusugan. Sabi nga, less pork, less risk to the heart. Gayunman, masama ang epekto nito sa buong industriya lalo pa’t maraming negosyante na ang kabuhayan ay piggery ang nanganganib ang kabuhayan.

Sabi ng Malacañang, gumagawa ng karampatang hakbang ang pamahalaan gaya ng pakikipagnegosasyon sa mga bansang hog producers na walang kaso ng ASF. Ayon pa kay Spokesman Harry Roque, may kasunduan na sa mga hog producers sa South Cotabato na walang kaso ng ASF, na magsu-supply ng 10,000 ulo ng baboy sa Metro Manila linggo-linggo.

Ayon kay Roque, ang presyo ng baboy mula Mindanao ay P145 lang kada kilo. Puwes, habang wala pa iyan, bayaan na muna ang pork holiday kaysa naman matuyuan ng puhunan ang mga maliliit na tindero ng karneng baboy.

O kaya naman, bigyan ng subsidy ang mga nagtitinda para ma-offset ang kanilang pagkalugi.

PORK PRICE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with