^

China navy nagpapanggap na sibilyang coast guard

SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - February 9, 2021 - 12:00am

MAHIGIT 500 ang barko ng China Coast Guard. Limampu nu’n ay armado ng missiles. Dalawa ay tig-12,000 tonelada ang bigat, malaki kaysa pandigmang U.S. destroyers­ na nagpapatrulya sa Japan at Southeast Asia. Tig-dalawa ang helipads ng dalawang dambuhalang barko, bukod sa 76-mm na kanyong pambutas ng bakal at maraming machineguns sa deck. Mas malaki ang China Coast Guard (CCG) kaysa anumang bansa.

Bahagi ang CCG sa pang-aagaw ng dagat at bahura ng mga kapit-bansa. Nu’ng 2012 siyam na barkong gan’un ang umokupa ng Panatag (Scarborough) Shoal ng Pilipinas – isang aksiyong militar.

Nu’ng 2013 pinagsanib ang apat na sibilyang ahensiyang pandagat sa CCG. Ang CCG naman ay isinailalim sa Central Military Commission ng Communist Party of China. Ang People’s Liberation Army ay nasa ilalim din ng Commission. Kaya masasabing ang CCG ay bahagi na ngayon ng sandatahang lakas ng China, pinakamalaki rin sa mundo.

Nililinlang ng China ang mundo. Nagpapanggap itong mabait na bansa: kunyari’y hindi gumagamit ng lakas-militar sa pag-angkin ng dagat at bahura ng iba. ‘Yan ang tinatawag na “gray zone operations” ng Beijing. Nakabalat­kayong sibilyan ang CCG, pero sa totoo’y militar sa armas, misyon, at estratehiya. Samantala, ang People’s Liberation Army-Navy ay may libu-libong bangkang mangingisda na bahagi ng maritime militia. Ito ang taga-espiya sa mga dumaraang barko ng ibang bansa. Chinese maritime militia ang pumapaligid sa Pag-asa island, bayan ng Kala­yaan, Palawan.

Nito lang Disyembre nagpasa ng agresibong batas ang Beijing. Inotorisa ang CCG na paputukan o sampahin ang anomang dayuhang barko na lumalabag umano sa batas. Kunwari kontra-smuggling at droga ang batas. Pero sa totoo ilegal na pampalawak ito ng pangisdaan ng China. Magnanakaw, manloloko ang komunistang Beijing. Hindi ito ang tamang gawi ng anumang bansa sa U.N. Security Council.

CHINA COAST GUARD
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with