^

PSN Opinyon

Bakuna Makati, game na!

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay - Pilipino Star Ngayon

Bilang paghahanda sa pagpapatupad ng Bakuna Makati­, ang malawakang COVID-19 vaccination program ng lungsod, isinagawa noong Huwebes ang unang simulation activity sa Makati Coliseum na pinangasiwaan ng Makati Health Department (MHD).

Masasabi kong handa na tayo batay sa naging resulta ng dry run na nagpakitang nasunod natin ang paman­tayan ng Department of Health, kabilang na ang iti­nagal ng bawat hakbang sa proseso para sa bawat indibiduwal. Nais ko ring paikliin ang process flow mula sa kasalukuyang limang hakbang kaya’t pinag-aaralan na ito ng ating task force.

Sa Makati Coliseum isasagawa ang pagbabakuna kontra COVID sa unang batch ng frontliners na prayoridad sa Phase 1 ng Bakuna Makati. Nasa 30,000 katao ang target para sa Phase 1, kabilang ang medical frontliners sa public at private sectors, mga barangay health emergency res­ponders, city hall frontliners, at uniformed personnel tulad ng kapulisan at mga bumbero ng lungsod. Tinatayang makukumpleto ang Phase 1 sa loob ng dalawang buwan at nasa 1,000 katao bawat araw ang target.

Sa Phase 2, target nating mabakunahan ang nasa 460,641 katao na binubuo ng 98,342 senior citizens at 362,299 Makati residents na may edad 18 taon pataas. Ina­asahang aabot ng dalawa hanggang tatlong buwan para matapos ang bahaging ito ng programa, at nasa 10,920 katao ang target sa bawat araw ng pagbabakuna.

Ang Phase 3 naman na para sa lahat ng non-residents pero nagtatrabaho sa Makati at nirehistro ng kanilang kompanya sa Bakuna Makati program ay tatapusin sa loob ng tatlong buwan.

Mayroon na tayong nakatalagang 32 vaccination sites, kabilang ang 24 public schools, anim na villages, Makati Coliseum at Ospital ng Makati. Nakagrupo sa apat na zones ang mga paaralan kung saan bawat zone ay may nakatalagang cluster depot na pagkukunan ng suplay ng bakuna ng mga paaralang nakapaloob sa zone. Sa paraang ito, magiging mas maayos, mabilis at ligtas ang operations sa araw-araw. Ang mga covered court naman ng bawat village ang gagawing vaccination sites, kasama ang Asia Pacific College sa Magallanes.

Nakahanda rin ang lungsod na tumugon sa anumang post-vaccination reactions sa pamamagitan ng dedicated 24/7 teams ng Makati Rescue, OsMak at Incident Command Post; Emergency hotlines 168 at Makatizen App; Makati COVID-19 hotlines; at express lanes para sa post-vaccination patients sa OsMak.

Nakabili na rin tayo ng limang chest freezers, anim na dual freezers, limang bio refrigerators, at 26 vaccine refrigerators para sa aspeto ng cold chain management upang matiyak na manatiling ligtas ang mga bakunang gagamitin hanggang matapos ang programa. Kasalukuyan ding inihahanda ang Emergency Vaccine Evacuation Protocols para sa main vaccine depot sa ICP/Operations Center ng lungsod sa City Hall quadrangle.

Patuloy naman ang hiring natin ng mga doktor, nars at midwife, kasabay ng paghihikayat ng mga doktor at nars na makibahagi bilang volunteers sa Bakuna Makati upang tagumpay nating maisakatuparan ang minimithing COVID-Free Makati.

Ngunit sa gitna ng mga preparasyong ito, ang may pinakamahalagang papel ay ang ating Proud Makatizens. Mabibigyang-saysay lamang ang lahat ng ginagawa nating paghahanda kapag kayo ay nakikiisa sa pamahalaang lungsod at inyong ibibigay ang buong suporta at kooperasyon, sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Manatiling nakatutok sa ating official social media platforms at sa mga pahayagan, radyo at telebisyon para sa mga susunod pang anunsiyo tungkol sa pagpaparehistro at iba pang impormasyon. Tandaan, ligtas ang may alam!

vuukle comment

COVID-19 VACCINE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with