^
EDITORYAL - Kasuhan, mga mararahas na enforcers sa Parañaque

EDITORYAL - Kasuhan, mga mararahas na enforcers sa Parañaque

(Pilipino Star Ngayon) - January 27, 2021 - 12:00am

Masyadong marahas ang ginawa ng limang miyembro ng Parañaque City Task Force sa isang lalaking vendor noong Sabado habang nagsasagawa sila ng clearing operations sa Baclaran. Kitang-kita sa video ang pananakit ng limang enforcers sa vendor na si Warren Villa­nueva. Kinukuha ng enforcers ang kariton ni Villanueva subalit nagmatigas ang vendor. Ayaw nitong ibigay ang kariton na may mga paninda.

Pinagtulungang posasan ang vendors at saka puwersahang pinadapa sa semento. Hindi pa nasiyahan ang isang enforcer, sinipa pa nito sa mukha si Villanueva habang nakadapa. Pagkatapos maposasan, padapain at sipain, kinuha ng enforcers ang mga paninda ni Villanueva.

Napanood ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang video at maski ito ay nagulat sa ginawa ng limang enforcers. Sa loob umano ng limang taon mula nang itatag ang task force na namamahala sa clearing operations ngayon lamang nakita ang pag-abuso ng mga ito. Ayon kay Olivarez, malinaw ang utos niya na ipatupad ang maximum tolerance sa clearing operation. Hindi aniya nasunod ang protocol.

Mariing sinabi ni Olivarez na hindi niya kukunsintihin ang ginawa ng limang enforcers at mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo at masisibak sa puwesto. Umabuso umano ang mga ito sa puwesto at kailangang managot. Ipinahahanda na umano ni Olivarez ang pagsasampa ng kaso sa limang enfor-cers. Niliwanag ng mayor na ang mga miyembro ng task force ay mga casual employees.

Masyadong naging marahas ang limang enfor-cers at nararapat lamang na maalis sila sa puwesto. Hindi sila karapat-dapat sa puwesto na masyadong pinananaig na sila ay nasa kapangyarihan at lahat nang gusto nila ay masusunod gaya nang pagpapaalis sa mga vendor. Oo nga’t may batas na bawal ang vendor sa lugar pero pinakiusapan muna sana nila si Villanueva at hindi sinaktan agad na para bang umiiral pa ang batas militar. Dapat din namang intindihin ang kalagayan ng vendors na nagnanais mabuhay kaya nagtitinda. Dapat una­wain na naghihirap sa buhay dahil sa pandemia.

Dapat lang masibak sa puwesto ang limang marahas at abusadong enforcers. Hindi sila dapat pamarisan.

VENDOR
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with