^

Umiiral na karahasan

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 26, 2021 - 12:00am

VIRAL ang video ng higit limang miyembro ng Parañaque City Task Force na nagsasagawa ng clearing operations. Kinuyog ang isang kariton vendor dahil tila ayaw bitawan ang kanyang kariton. Ang kariton ang nagsisilbing tindahan at hanapbuhay niya kaya maiintindihan kung bakit ayaw pakawalan.

Pero imbis na kausapin na lang ng mahinahon, kinuyog ang vendor, pinadapa, inipit ang leeg at pinosasan. Kita pa sa video ang isang miyembro ng task force na sinipa ang mukha ng vendor sabay atras. Galing. Naalala ko ang pag-ipit sa leeg ni George Floyd ng isang pulis sa Amerika. Hindi nakahinga ng ilang minuto si Floyd at tuluyang namatay. Ito ang nagsilbing mitsa ng kilusang Black Lives Matter.

Umalma ang dalawang senador sa nakitang marahas na pag-aresto sa vendor. Hindi naman daw kailangang gawin iyon. Marami naman sila kaya sana kinausap na lang. Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, sana tinulungan na lang. Marami ang naghihirap sa panahon ng pandemya, maging malaki o maliliit na negosyo. Dapat nga raw umiral ang batas pero magagawa naman iyan na may kasamang awa.

Pero hindi na ako nagtataka kung ganito na kumilos ang mga taong may otoridad. Ilang insidente na ng karaha­san­ ang naganap mula nang magkaroon ng quarantine.

Huwag kalimutan ang pagpatay kay Winston Ragos ni Master Sergeant Daniel Florendo Jr. dahil lamang sa paglabag sa quarantine. Binaril ng dalawang beses si Ragos kahit hindi naman armado. Napakarami pa nilang trainee na pulis sa eksena. Puwede namang hulihin na lang. Ayon pa sa imbestigasyon ng NBI, nagtanim pa ng ebidensiya ang mga pulis para maabsuwelto sila sa krimen.    

Kaya naman ganyan ang kilos ng PNP at iba pang taong may otoridad ay dahil may basbas ng nakaupo sa Palasyo. Patayin, barilin, barilin sa ari. Iyan ang mga salitang luma­labas mula kay President Duterte kapag may inuutos sa mga pulis o sundalo. Sasabihan pa na huwag matakot at suportado niya silang lahat.

Nagkaroon ng kaliwa’t kanang karahasan ang buong bansa magmula 2016. Pati nga mga sundalo pinapatay. Baka ito rin ang nasa ulo ni Jonel Nuezca nang barilin ang mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio dahil lamang sa argumento. Baka inisip na tutulungan siya ni Duterte. Kaya agad naglabas ng pahayag ang Palasyo na hindi tutulungan ni Duterte si Nuezca. Dapat lang.

 Sa panahon ng pandemya, makapangyarihan nga ang mga taong may otoridad ngayon. Pero hindi ito dahilan para maging maton. Marami ang naghihirap, ginagawa ang lahat para lang mabuhay. At ang mga mahihirap ang matinding tinatamaan. Hindi nila kailangang ang ganitong pagtrato.

Ayon kay Sen. Lacson, kikilos siya sa insidenteng ito. Sana nga. Magsasagawa naman daw ng imbestigasyon ang DILG. Ano naman kaya ang maratating niyan kung hindi naman magrereklamo ang vendor dahil takot o walang pera?

Kitang-kita naman sa video ang pangyayari kaya sapat na iyan para magpataw ng nararapat na parusa o suspensyon, hindi ba? Pero iba nga ang panahon ngayon, hindi ba?

CLEARING OPERATION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with