Atong Ang, pabor sa 5% tax sa online sabong!
TODO-SUPORTA ang negosyanteng si Atong Ang sa ipinasang batas ng Kongreso na patawan ng buwis ang negosyong online sabong. Bilyones ang iniakyat ng online sabong sa bulsa ng mga kapitalista subalit BOKYA ang gobyerno dahil sa kakulangan ng batas ukol dito. Subalit nitong nagdaang mga araw, ipinasa ng Kongreso ang 5 percent tax sa kikitain ng online sabong at hinimok ni Atong ang kasamahan niya sa negosyo na suportahan ito.
Sa tantiya ni Atong ay kikita ang gobyerno ni President Digong ng mula P1 bilyon hanggang P4 bilyon sa online sabong sa 5 percent na taripa dito. Kaya kailangang mapatupad ang tax sa lalong madaling panahon para makatulong sa gobyerno ni President Digong sa panahon ng COVID-19. Itong naipasang batas kasi mga kosa, ay rerebisahin muna ng Senado at kapag lumusot ito ay tsaka pipirmahan ni President Digong tsaka ipatupad ito. Dipugaaaaa! Bilisan na ang pagrebisa nito para madagdagan ang panggastos ng gobyerno sa COVID vaccine. Mismoooo!
Sa totoo lang, hindi lang naman si Atong ang nag-ooperate ng online sabong dahil marami pa sila dito at sa katunayan nagkalat ang anunsiyo o ads nila sa social media. Ipinaliwanag ni Atong ang lahat ng breeder na Pinoy ay maaring magtayo ng online sabong subalit kailangang may permit ito sa LGUs, monitored ng Games and Amusement Board (GAB) at pinapayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF). Dipugaaaa! Bakit tahimik ang LGUs, GAB chairman Baham Mitra at IATF sa paglabag ng online sabong sa health protocols ng gobyerno ni President Digong? Magkano...este paano? Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, ‘di ba mga kosa? Mismooooo!
Subalit sa kanyang mensahe sa “Bayang Sabungero” ibinulalas ni Atong ang kanyang galit sa hacker na taga-Mindanao, sa babaeng opisyal ng gobyerno at sa gambling lords sa Central Luzon na sa tingin n’ya ay magkakutsaba para ilampaso ang kanyang online sabong na Pitmaster Cup. Inaabangan ng mga sabungero kung ano ang kahinanatnan ng iringan ng mga operators ng online sabong para maarok kung sino talaga sa kanila ang bagyo sa panahon ni President Digong. Dipugaaaaa! ‘Wag kumurap mga kosa! Abangan!
- Latest