^
EDITORYAL - Ikalaboso, mga barangay kapitan na dumugas sa pondo ng SAP

EDITORYAL - Ikalaboso, mga barangay kapitan na dumugas sa pondo ng SAP

(Pilipino Star Ngayon) - January 22, 2021 - 12:00am

Malambot na ba si President Duterte sa mga barangay chairman na kumurakot sa pondo ng Social Amelioration Program (SAP)? Masyadong magaan ang parusa niya sa 89 na barangay offi­cials na naakusahang nagbulsa ng SAP. Suspensiyon lang ang ipinataw sa kanila. Ibig sabihin maaari pang makabalik sa puwesto ang 89 na corrupt barangay officials at muling makapangurakot. Kabaliktaran ito nang laging ginagawa ng Presidente na inia­anunsiyo pa ang pangalan ng mga tiwali gaya nang ginagawa niya sa DPWH.

Nakapagtataka rin kung bakit 89 lang ang pina­tawan ng suspensiyon gayung nasa 143 ang barangay officials na sangkot sa pangungurakot ng SAP. Nasaan na ang 54? Ang mga corrupt barangay officials ay nagmula sa Metro Manila, Cagayan Valley, Calabarzon, Central Luzon, at Ilocos Region.

Noong nakaraang Mayo 2020, sinabi ni DILG Sec. Eduardo M. Año na hindi matatakasan ng mga corrupt na barangay officials ang batas. Mananagot ang mga ito. Sinira umano ng mga ito ang tiwala ng gobyerno kaya mabubulok sa bilangguan ang mga ito.

Bago pa ang pamamahagi ng unang tranche ng SAP, nagbabala na si President Duterte sa mga barangay official na huwag nanakawin ang perang ayuda sa mga mahihirap. Ipakukulong umano niya ang mga mangungurakot ng pondo. Pero sa kabila ng babala, maraming nangurakot. Halos kalahati ng SAP ay ibinubulsa ng mga corrupt barangay officials. Nasa P205-bilyon ang ipinalabas ng pamahalaan para pang-ayuda sa mga mahihirap.

Isa sa mga corrupt barangay official na nakunan pa ng video at napanood ng Presidente ay ang kagawad sa Hagonoy, Bulacan na si Reynaldo Flores. Kalahati lang ng SAP ang binigay ni Flores sa mga kaba­rangay. Matapos mapanood ang ginawa ni Flores, nag-alok ng pabuyang P30,000 ang Presidente sa sinumang makapagsusuplong sa kanya ng mga corrupt na barangay officials.

Matigas ang direktiba ng Presidente noon laban sa mga korap na barangay official kaya nakapanlulumo na suspension lamang ang parusa sa 89 na inaakusahang nagnakaw ng SAP. Dapat ikalaboso sila para maging halimbawa sa iba pa na nagbabalak mangurakot sa pera ng bayan.

SAP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with