^
EDITORYAL  -  Illegal COVID-19 clinic pugad ng sakit

EDITORYAL - Illegal COVID-19 clinic pugad ng sakit

(Pilipino Star Ngayon) - January 20, 2021 - 12:00am

Naghahatid ng pangamba ang mga natutuklasang klinika ng mga Chinese sa Metro Manila na ang mga ginagamot ay mga Chinese na infected­ ng COVID-19. Ang mga natutuklasang klinika ay walang pahintulot ng Department of Health (DOH) at maski ang mga naaarestong “doktor” ay walang maipakitang lisensiya o katibayang manggagamot.

Unang natuklasan ang illegal COVID clinic na pina­tatakbo ng mga Chinese sa loob ng isang gusali sa Makati City noong nakaraang taon. Hindi sana ito matutuklasan kung hindi dahil sa natanggap na reklamo na nagbabara ang drainage sa gusali. Nang inspeksiyunin, nakita na medical wastes ang nakabara sa mga tubo. Natuklasan ang hindi lisensiyadong clinic na ang mga pasyente ay infected ng COVID-19.

Habang ang gobyerno ay naghihigpit sa pagpa­patupad ng health protocol para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, patuloy naman ang operasyon ng mga illegal COVID clinic na nagseserbisyo sa mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs). Bakit hindi malansag-lansag ang mga illegal clinic na ito na ma­aaring pagmulan ng sakit?

Sa loob ng siyam na buwan na naging mahigpit ang pamahalaan sa mga lumalabag sa hindi pagsu­suot ng face mask at face shield at ganundin sa hindi sumusunod sa social distancing, itong mga nag-o-­operate ng COVID clinic ay malayang nagagawa ang kanilang gusto. Kumikita nang limpak dahil nag­seserbisyo sa mga Chinese POGO workers. Bakit hindi malansag ang mga ito?

Noong nakaraang linggo, isa namang illegal COVID clinic sa Pasay City ang sinalakay ng mga pulis. Ayon sa report, madalas umano ang pagdating ng mga van sa clinic na ang mga sakay ay Chinese. Umaga at hapon ay dumarating ang van na may mga Chinese na pinaniniwalaang nagtatrabaho sa POGO. Mga 10 hanggang 20 Chinese umano ang kliyente. Nakarekober ang mga awtoridad ng P1.5 milyon na halaga ng Chinese medicines.

Buwagin ang mga illegal COVID clinic. Nasa peligro ang lahat kapag nagpatuloy ang mga ito. Kakalat pa ang virus dahil sa kanila. Wasakin ang pugad ng mga sakit.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with