^
EDITORYAL - Sapat na inpormasyon sa bakuna, nararapat

EDITORYAL - Sapat na inpormasyon sa bakuna, nararapat

(Pilipino Star Ngayon) - January 19, 2021 - 12:00am

MARAMING nagtatanong kung kailan darating ang bakuna para sa COVID-19. Nalilito na ang mamamayan sapagkat kung sinu-sino ang nagsa­sabi ukol sa bakuna. Natutuliro na rin sila sapagkat ano ba talagang bakuna ang gagamitin – Pfizer-BioNTech, AstraZeneca, Gamaleya o Sinovac? Iba-iba ang lumalabas na balita sa pagdating ng bakuna. May nagsasabing Pebrero at Marso at merong sa Abril pa raw. Ano nga ba totoo? Nararapat na makakuha ng tamang inpormasyon ang publiko ukol sa bakuna.

Habang ang ibang bansa ay nagsisimula na sa kanilang vaccination program, ang Pilipinas ay wala pang linaw kung kailan. Talo pa ng Indonesia at India na nagsimula na. Ang Presidente ng Indonesia ang unang nagpaturok noong Enero 13 para mahikayat ang kanyang mamamayan at mapanatag ang kaisipan ukol sa bakuna.

Nang kapanayamin si vaccine czar Carlito Galvez Jr., sinabi niyang darating ang bakuna sa Marso. Posibleng Pfizer ang dumating. Nasa advanced stage na raw ang negosasyon sa Pfizer. Hinihintay na lang daw ang tinatawag na validation­ at coordination mula sa Pfizer headquarters. May negosasyon din daw ang gobyerno sa iba pang kompanyang gumagawa ng bakuna, gaya ng Sinovac. Pero mariin niyang sinabi na hindi pinapa­boran ang bakuna ng China.

Nang tanungin si Health Secretary Francisco Duque III, maaring umpisahan ang pagpapabakuna sa Marso. Tuluy-tuloy daw ito. Ayon pa kay Duque, hindi raw magkakaproblema ang bansa ‘pag sini­mulan na ang pagpapabakuna sa mga Pilipino. Una raw tuturukan ang healthcare workers, matatanda, may sakit, mahihirap na pamilya, at mga uniformed personnel. Walang binanggit si Duque kung anong brand ng bakuna ang gagamitin.

Kung sa Marso darating ang bakuna, dapat nga­yon pa lamang ay magkaroon na ng kampanya ang DOH na ipaliwanag sa publiko ang mga dapat at ‘di dapat ukol sa bakuna. Lahat ba ay tuturukan agad o magkakaroon muna ng masinsinang pagtatanong? Paano ang mga maysakit gaya ng diabetic, may high blood pressure, allergies, sakit sa puso at iba pa. Paano kung ang maturukan ay COVID asymptomatic, wala bang peligro ito.

Dapat maliwanagan o mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko bago dumating ang bakuna. Mahalaga ito bago sila maturukan.

COVID-19 VACCINE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with