^

Ang mga tunay na yaman ng Makati

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay (Pilipino Star Ngayon) - January 18, 2021 - 12:00am

Sa ikatlong pagkakataon, muling nanguna ang Lungsod ng Makati bilang pinakamayamang lungsod sa buong bansa batay sa 2019 Annual Financial Report ng Commission on Audit (COA) para sa mga lokal na pamahalaan. Nakasaad dito na tumaas pa ang ating total assets sa P233.78 bilyon mula sa P230.83 bilyon noong 2018.

Matatandaang nabawi ng Makati ang titulong “Richest Local Government Unit in the Country” noong 2017 nang umabot sa P196.57 bilyon ang ating total assets, at nalampasan ang Quezon City na ilang taon ding nanatili sa top spot. May isa’t kalahating taon pa lamang na naglilingkod ang aking pamunuan noong makamit natin ang tagumpay na ito.

Taong 2017 din nang maitala ng lungsod ang double-digit increase (12 percent) sa revenue collections, sa kauna-unahang pagkakataon makalipas ang 12 taon.

Ilan lamang ang mga ito sa mga tagumpay na nakamtan ng lungsod dahil sa matatag na pagtitiwala at suporta sa aking pamunuan na patuloy na ibinibigay ng Proud Makatizens sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga residente at taxpayers mula sa business at real property sectors. Kayo ay maituturing na tunay na yaman ng Makati. Kaya’t marapat lamang na maging bahagi kayo ng lahat ng mga karangalang natamo at matatamo ng ating lungsod. Tanggapin ninyo ang taos-pusong pasasalamat naming mga nanunungkulan sa pamahalaang lokal na binigyan ninyo ng pagkakataong makapaglingkod sa inyo.

Kayo ang nagbigay ng lakas ng loob sa amin upang ipatupad ang malawakang reporma sa pamamalakad ng City Hall, na nagbigay-daan sa mas mahusay at epek­tibong mga sistema sa paghahatid ng mga serbisyo at programa. Nagpapasalamat din kami sa mga tapat na kawani ng lungsod na buong pusong sumuporta sa mga pagbabagong nakapag-angat sa estado ng lungsod at sa kalidad ng pamumuhay at paghahanapbuhay dito sa Makati.

Binigyang-saysay din ang ating pagpupunyagi para sa malinis, tapat at mahusay na pamamahala matapos igawad ng COA, sa tatlong sunod-sunod na taon mula 2017, ang “unqualified opinion” sa taunang Audit Report na isinagawa sa lungsod. Ito na ang pinakamataas na audit rating na maaaring ibigay ng COA, at sa aking administrasyon lamang ito nakamtan. Ibig sabihin nito, ang ating financial statements ay naaayon sa Generally Accepted Accounting Principles, at maayos na ipiniprisinta ang financial accounts ng lungsod.

Ang pagtutulungan at kooperasyon ng lahat ng mga sektor ang siyang susi sa maayos na pagpapatupad ng ating mga programa at sa masinop na paggamit ng pondo ng lungsod. Tinitiyak ko sa inyo na ipagpapatuloy ng aking pamunuan ang pagbibigay ng kaukulang prayoridad sa mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa aspeto ng kalusugan, edukasyon at social services. Ngayong 2021, sama-sama nating isakatuparan ang malawakang pagbabakuna laban sa COVID-19 para sa kaligtasan ng lahat, at magtulungan tayo para makabangon at mamuhay nang masagana ang lahat ng Proud Makatizens.

COA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with