^

Ilegal na sugalan, talamak sa Camanava

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - January 16, 2021 - 12:00am

MUKHANG dadaan sa butas ng karayom bago maisalang sa hukuman ang mga inaakusahan sa pagkamatay ni Cristine Dacera, ayon sa mga retiradong pulis na aking nakausap. Mistulang nalusaw ang sustansya ng mga ebidensiya matapos na ipaimbalsamo ang bangkay nito sa takot ng mga pulis na mahawa sila sa COVID-19. Kaya bumaba ang tingin sa mga imbestigador na nagsagawa ng imbestigasyon sa kaso.

Ang masakit baka madamay ang mga inosenteng kasama ni Dacera sa Hotel bago siya namatay. Ngunit tumaas naman ang tiwala sa mga ahente ng National Bereau of Investigation dahil kahit papaano, may nakalap silang mga dokumento mula sa hospital na pinagdalhan kay Dacera. Kaya ito ngayon ang kanilang tinututukan upang makamit ng pamilya ang hustisya.

Ayon pa sa mga nakausap ko, tungkulin ng mga pulis na ingatan ang lahat ng ebidensiya sa krimen at kailangan munang may alam ang mga kamag-anakan nito bago ipaimbalsamo para mawala ang haka-hakang inapura ang pagproseso sa crime scene bago isumite sa piskalya. Ngunit ngayong wala nang pagkukunan ng examinination tiyak na mahihirapan na ang mga imbestigador na makakuha ng ebidensiya sa katawan ni Dacera.

Subalit hindi naman nangangahulugan na wala nang magagawa ang mga eksperto sa pagtukoy kung ano ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera dahil may basehan ito sa mga finding ng mga doctor na sumuri sa biktima nang dalhin ito sa ospital.

Sa kasalukuyan, isinalang na sa drug test ng NBI ang mga pinaghihinalaan sa kamatayan ni Dacera, ngunit hindi pa sila ang tinutukoy na may sala dahil kinakalap pa ang kanilang mga testimonya. Maging ang pagtukoy na sanhi ng pagkamatay ni Dacera ay hindi pa inilalabas ng NBI kung ito’y ginahasa o na-overdose sa droga.

* * *

Isang sumbong ang ipinarating sa akin mula sa Camanava. Namamayagpag umano ang operasyon ng sugal sa Caloocan Malabon at Valenzuela na hindi binibigyang pansin ni Northern Police District (NPD) director B/Gen. Ely Cruz. Ang collector umano ng mga pasugalan sa Camanava ay si Jigs Servillon.

Labas masok umano si Servillon sa NPD headquarters kaya malaki ang hinala nila na may basbas siya ni Cruz. Ewan ko lang kung hanggang saan ang buwenas ni Servillon kapag nakatapat si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Vicente Danao.

Kilala ko si Danao pagdating sa trabaho dahil wala itong sinisino kahit na malapit pa sa kanya ang pulis na nagkasala. Huhubaran niya ito ng uniporme at asunto ang kakaharapin sa husgado. Kaya naman malaki ang tiwala nitong mga nagsumbong sa akin na makakarating ito sa kaalaman ni Danao.

Para mapadali ang paghabol mo Gen. Danao, Sir narito ang mga pangalan ng mga gambling operator na namamayagpag sa nasasakupan ni Cruz: Alias “Onse”  na nag-ooperate ng jueteng sa Caloocan at Malabon; Alias “Mario” naman ang may hawak ng loteng sa Malabon; Si “Jr”  ang may pa-bookies ng karera sa Caloocan at Malabon; Alias “Atan” ang may pa-loteng sa Malabon, samantalang si Alias “Jun” at “ Santa” naman  ay namamayagpag ang loteng sa Valenzuela.

O hayan, Gen. Danao, hambalusin mo na ang mga nabanggit ko para mapatigil na ang mga sugalan sa nasasakupan ni Cruz. Mukhang ikaw na lamang ang pag-asa para mapatigil ang sugalan sa Camanava. Abangan!

CHRISTINE DACERA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with