^
EDITORYAL - Karapatan ng LGUs na pumili ng bakuna

EDITORYAL - Karapatan ng LGUs na pumili ng bakuna

(Pilipino Star Ngayon) - January 15, 2021 - 12:00am

Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, huwag na raw maging choosy sa pagpili ng bakuna dahil libre naman ito. Bagama’t may kara­patan daw ang lahat na magkaroon ng mabuting kalu­sugan, hindi naman daw dapat maging pihikan ang mga babakunahan. Ayon pa kay Roque, maraming Pilipino ang dapat bakunahan kaya hindi dapat maging pihikan. Hindi maaring mamili dahil hindi naman pipilitin ang mga ayaw magpabakuna. Idinagdag pa ng Spokesman na hindi makokontrol ng gobyerno kung ano ang mga darating na bakuna kaya hindi na dapat mamili ang mamamayan.

Pero sabi ng pinuno ng League of the Municipa­lities of the Philippines (LMP), may awtoridad ang local government units (LGUs) na pumili ng brand ng bakuna na naaayon sa gusto ng kanilang mga nasasakupan o constituents. Ang pagpili rin aniya ng bakuna ay dapat nasa kakayahan ng LGUs o kasapatan ng kanilang pondo.

Sabi ni LCP National President at Bacolod City Mayor Bing Leonardia, nakikipag-coordinate sila sa walong pharmaceutical firms para malaman ang specifications ng mga bakuna at ganundin ang pasi­lidad na kailangan sakali at dumating na ang mga bakuna.

Noon pa, marami nang mayor, partikular sa Metro­ Manila ang nagpahayag na may kahandaan na sila sa pagbili ng bakuna para sa kanilang mamamayan. May sapat silang pondo para ibili ng bakuna at pipili sila nang sa akala nila ay epektibo para sa mamamayan.

Nangunguna na ang Quezon City sa pagbili ng bakuna. Nag-order pa sila sa ikalawang pagka­ka­taon at may allocation na 1.1 million doses sa AstraZeneca at idideliber ito sa third quarter ngayong taon. Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, uunahing bigyan ng bakuna ang health workers at ang mga senior citizen. Una nang nag-order ng 750,000 doses ang QC para sa 375,000 residente. Target ni Belmonte na mabakunahan ang 550,000 residente ng QC.

Bukod sa QC, nakipagkasundo na rin sa AstraZeneca ang Makati, Maynila, San Juan, Mandaluyong, Taguig at Muntinlupa.

Mabilis kumilos ang LGUs kaysa sa Department of Health (DOH) na hanggang ngayon ay hindi pa malaman kung ano nga bang bakuna ang kanilang hinahanap. Tinalo pa ng Indonesia ang Pilipinas sapagkat noong Enero 13, nagsimula nang magbakuna para sa kanilang mamamayan. Sa tagal kumilos, may nakapasok ng variant ng COVID.

HARRY ROQUE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with