
Karapatan ng lahat
Karapatan ng lahat ang mamili ng produkto na nais gamitin o bilhin. Period. Kahit libre pa ito, kung hindi naman sapilitan ang pagbigay. Mas mahalaga pa nga ito kapag kalusugan ang pinag-uusapan. Kaya hindi ko maintindihan ang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat pihikan sa bakunang ibibigay ng gobyerno sa mamamayan nang libre. Napakalinaw na ang tingin ng administrasyong ito ay puwede nilang sabihin at gawin ang kahit anong gusto nila at hindi na sila dapat kinukuwestiyon.
Pero sa pagdinig sa Senado, kinukuwestiyon din nila ang gobyerno kung bakit tila hinaharang ang sinumang nais magpasok ng bakuna sa bansa. Na tila pinahihirapan ang pribadong sektor o ang mga lokal na pamahalaan na magpasok ng bakuna mula sa kompanyang nais nilang pagkuhanan. Kung handa namang magbayad ng pribadong sektor o ng lokal na pamahalaan para sa mga bakunang ipapasok, bakit hindi? Ito ba ay dahil ang bakunang nais lamang ng administrasyong ito na ipasok sa bansa ay ang mula sa China?
Ayon sa mga opisyal ng gobyerno na dumalo sa Senado, walang kompanya ang deretsong kakausap sa anumang pribadong kompanya. Dapat gobyerno-sa-gobyerno lang daw ang usapan. Kung ganun, bakit tila pinahihirapan ang ibang kompanya, maliban sa mga bakuna mula China, na makapasok sa bansa? Lumalabas na monopolyo na ng gobyerno ang bakuna.
Sa Brazil, lumalabas sa kanilang clinical trial na mas mababa sa 60 porsiyento ang bisa ng bakuna mula Sinovac. Pangatlo ang Brazil sa rami ng kaso ng COVID-19 sa mundo pero pangalawa sa rami ng namatay dahil sa COVID. Dalawampu’t-limang milyong doses ng bakuna mula Sinovac ang nakuha na ng gobyerno. Mga 50,000 ang papasok umano sa Pebrero. Pero ilang lokal na pamahalaan tulad ng Caloocan, San Juan, Vigan at Iloilo ang lumagda na ng kasunduan sa AtraZeneca para makabili ng kanilang bakuna, pero kailangan pa rin umano ng basbas mula sa administrasyon.
Batay sa pagsisiyasat ng OCTA Research na ginanap noong Dis. 9-13, 2020, isa sa apat na Pilipino lang ang handang magpabakuna kapag nakapasok na sa bansa. Hindi naman lumabas sa pagsiyasat kung ano ang dahilan kung bakit mas marami ang ayaw magpabakuna. Pero maaaring isa sa mga dahilan ay ang mababang efficacy rate ng bakuna na nais ipasok sa bansa mula China. Kaya siguro kumikilos ang ilang lokal na pamahalaan na makakuha ng bakuna mula sa ibang kompanya, na ayon sa mga Senador ay dapat payagan ng pamahalaan at hindi nagmimistulang diyos na ng bansa. Kung magiging matagumpay ang programang pabakuna ng gobyerno laban sa COVID-19, dapat maging matatag muna ang tiwala ng mamamayan sa anumang bakunang papasok sa bansa.
- Latest