^

Panloloko sa bentahan

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - January 12, 2021 - 12:00am

KASO ito ng mag-asawang Pepito at Menchu. Noong Dis­yembre 2, 1992, gumawa ng kasulatan ng bentahan ng lupa ang mag-asawa pabor sa EPBI, isang kompanya ng mga sanglaan na kinakatawan ni Nilo. Binili ng EPBI ang isang 346 metro kuwadradong lupa ng mag-asawa sa halagang P3 milyon. Nagbigay ng paunang bayad na P200,000 ang kompanya at ang balanseng P2.8 milyon ay binayaran nito ng hulugan sa pamamagitan ng mga tseke na “post-dated”. Kinansela ang titulo ng mag-asawa at naglabas ng bagong tseke sa pangalan ng EPBI.

Nang ideposito ng mag-asawa ang nasabing mga tseke, tumalbog ang mga ito dahil sa kakulangan ng pondo. Sinu­latan ng mag-asawa ang kompanya at si Nilo upang bayaran nito ang balanse o kaya naman ay isauli na lang ang lupa. Hindi sila pinansin ng kompanya at ni Nilo. Kinasuhan ng mag-asawa sa korte ang kompanya pati na rin si Nilo upang mabawi nila ang lupa at kung ano pa ang maaaring maging solusyon ng hukuman sa kaso.

Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang korte pabor sa mag-asawa. Ipinag-utos sa EPBI at kay Nilo na isauli ang lupa, magbayad ng P100,000 (moral damages), P50,000 (exem­plary damages), P20,000 (attorney’s fees), at P35,602.50 (costs of suit) na pawang ibabawas lahat sa paunang bayad na P200,000 na ibinigay ni Nilo. Nang umapela ang EPBI at si Nilo sa Court of Appeals, binago nito ang desisyon ng mababang hukuman. Pinababayaran lang sa EPBI at kay Nilo ang balanseng P2.8 milyon pati danyos na P 50,000 (moral damages) at P25,000 (exemplary damages).

Sumang-ayon ang CA sa korte na talagang dinaya ng kompanya ang mag-asawa. Kaya lang, nangyari raw ang pan­daraya noong tapos na ang kontrata kaya hindi maaaring­ ipawalambisa ang kontrata. Maaari lang daw maging basehan­ ang pandaraya upang pabayaran sa kompanya ang balance. Tama ba ang CA?

MALI. Kahit walang pandarayang nangyari habang nagkakapirmahan ng kontrata, hindi pa rin masasabing walang naganap na panloloko. Nabola ang mag-asawa upang tang­gapin ang mga tseke sa paniniwalang mapopondohan ang mga ito sa takdang oras. Hindi lumabas ang pandarayang ito habang pinag-uusapan pa ang kontrata kundi sa pagtatapos na nito o habang tinutupad na ng magkabilang panig ang kani-kanilang obligasyon.

Natupad ng mag-asawa ang kanilang parte, kaya nga pinirmahan na nila ang kasulatan ng bentahan at nalipat sa kompanya ang titulo ng lupa. Malinaw na ang EPBI at si Nilo naman ang kailangang tumupad sa kanilang obligasyon na bayaran ang balanseng P2.8 milyon. Hindi nila ito natupad dahil hindi naman nila napondohan ang mga tsekeng ibinayad.

Malinaw na nilabag nila ang tungkulin at obligasyones nila sa kontrata. Alinsunod sa batas (Art. 1191 in rel. to Art. 1385 Civil Code), sapat na basehan na ito upang maipawalang-bisa ng mag-asawa ang kasulatan ng bentahan (Spouses Tiongson etc. vs. Emergency Pawnshop etc. G.R. 167874, Jan. 15, 2010).   

LUPA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with