^

Pamana ni Trump

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 12, 2021 - 12:00am

IBANG klase rin ang nasaksihan ng mundo noong Enero 6. Dahil malapit na ang inagurasyon ng US President sa Enero 20, minabuti ni Pres. Donald Trump na batay sa kata­tapos na halalan ay natalo ni Joe Biden na hika­yatin ang kanyang mga tagasuporta na magtungo sa Washington, D.C. at iprotesta ang paniniwala niya na dinaya sila noong eleksyon. Ang plano ay hikayatin ang Kongreso na huwag ituloy ang opisyal na pagbibilang ng tinatawag na electoral votes para kumpirmahin kung sino ang nanalo sa eleksyon.   

Marami nga ang nagtungo sa Kapitolyo para ipakita ang suporta kay Trump, pero nauwi sa gulo at karahasan ang protesta. Sinugod ang Kapitolyo, nagbasag ng mga bintana, nanira ng gamit, pinasok ang tanggapan ng ilang mambabatas at nagpalitrato pa. May balita na may mga kinuhang kagamitan. May litrato kung saan nakatu­tok na ang baril ng mga security sa mga taong nais pumasok sa mismong kinalalagyan ng mga mambabatas.

Maraming pulis ang nasaktan at nang matapos na ang kaguluhan, apat ang kumpirmadong namatay sa panig ng mga nag-protesta, isa sa kanila ay nabaril. Hindi pa alam ang detalye kung bakit siya binaril. Parang people power ang naganap pero imbis na magpatalsik ng diktador, ang nais ng mga nanggulo ay manatili ang kasalukuyang Presidente.

Inuulan ngayon ng batikos si Trump dahil sa naganap sa Kapitolyo. Siya ang sinisisi kung bakit nauwi sa karahasan ang pinaplanong mapayapang kilos-protesta. Sinuspende ang kanyang Twitter account dahil dito niya umano inudyukan ang kanyang mga tagasuporta na manggulo. Kinondena nang maraming pinuno ng ibang bansa ang naganap. Ngayon, imbis na maayos ang kanyang pagbaba sa puwesto, kumikilos ang Kongreso na patalsikin siya sa pamamagitan ng impeachment ilang araw na lang bago manumpa si Joe Biden bilang ika-46 na US President.

Hindi ko akalaing magaganap ito sa US. Pero naging­ malinaw na kapag panatiko ang tagasuporta, kahit anong sabihin ng kanilang poon ay susundan. Hindi ko akalain na sa karahasan mauuwi ang pangyayari. Nagiging malinaw rin na hati ang US ngayon dahil sa pulitiko dahil na rin sa pag-uudyok at pagtanim ni Trump ng di suportadong impormasyon ng pandaraya noong eleksyon. Iyan ang magiging pamana ni Trump sa kasaysayan ng US.

DONALD TRUMP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with