_ngayon
^

Maghanda na ngayon para sa muling bagyo

SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 11, 2021 - 12:00am

Tigilan na ang pagbibida na matatag ang mga Pilipino. Nagiging palusot na ‘yon para ipagwalang-bahala ang sakuna. Natural lang kahit na sinong lahi – puti, itim, dilaw, kayumanggi – na bumangon mula pagkasadlak. Hindi lang Pilipino ang matatag – lahat ng tao gan’un. Palaka sa balon ang hindi makaintindi niyan; ang langit para sa kanya ay sinlaki lang ng bunganga ng balon.

Ngayon pa lang paghandaan na ang sakuna. Hindi dapat hintayin ang susunod na bagyo. Magpakawala na ng tubig sa mga dam. Huwag ulitin ang kapabayaan nu’ng Nob. 12, 2020. Sa kasagsagan ng Typhoon Ulysses nagbawas ang mga dam para ‘di masira. Pero walang abiso, at gabi na noon. Hindi nakalikas ang mga taga-Cagayan at Isabela­. Nangawasak sa baha ang kabahayan; ubos ang kaga­mitan at kabuhayan.

Hunyo pa lang, alam nang maulan na La Niña ang 2020. Lumamig ang temperatura sa gitna at equatorial Pacific Ocean hanggang Setyembre, indikasyon ng weather phe­no­menon sa Oktubre-Nobyembre 2020. Okt. 2 nang mag-update ang PAG-ASA. Tatagal ang La Niña hanggang Pebrero, maari pa ngang Nobyembre 2021.

Batay sa agham kumilos sana ang mga namamahala ng dam. Unti-unti sana nagpakawala ng tubig, hindi big­laan habang bumabagyo at saturated na ng tubig ang lupa at puno na ang evacuation centers.

Malimit tamaan ng bagyo ang Bicol. Pinaka-mapanira nitong 15 taon: “Rosing” nu’ng 1995; “Milenyo”, 2006; “Reming”, 2006; “Frank”, 2008; “Niña”, 2016; at sunud-sunod na “Quinta”, “Rolly” at “Ulysses” nitong 2020. Tumba ang mga kubo, tuklap ang mga yerong bubong.

Panahon nang palitan ang mahihinang bahay ng semento. Pati bubong pre-fabricated na konkreto. Itigil ang taunang evacuation sa public schools. Ayusin ang pabahay­ imbes nakawin ang pera ng estado.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

PILIPINO
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with