^

Sibakin si ‘De Kuko’ng Customs

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - January 5, 2021 - 12:00am

MAYROON daw superlakas ang kapit at supertakaw sa pera na kawani sa Bureau of Customs (BOC) na tinatawag na “Police De Kuko’’. Ayon sa ibinulong sa akin, malakas daw ang padrino ni “De Kuko” sa administrasyon ni Pres. Rodrigo Duterte.

Ewan ko lang kung hanggang saan ang lakas ni “De Kuko” kapag napigurahan ni Digong. Marami nang BOC officials ang sinibak ni Digong noong nakaraang taon. Ang nais kasi ni Digong, maging maayos ang BOC upang makakolekta nang malaking buwis. Kung totoo ang ibinulong sa akin, mayroon na namang gugulong ang ulo sa BOC.

Nalaman ko na miyembro raw ng Customs Police si “De Kuko” na naka-assign sa Xray Inspection Project (XIP). Nag-iikot at nagtatawag si “De Kuko” sa mga kila­lang importer at broker upang humingi ng pasalubong sapagkat siya raw ang uupong hepe ng XIP.

Ayon pa sa bulong sa akin, si “De Kuko” ay na-assign sa XIP sa tulong ng mga “bok” niya sa BOC. Pinangakuan umano ni “De Kuko” ang mga “bok” na makakadeliber siya nang malaking halaga ng salapi sa pamamagitan ng pananakot sa importers at brokers.

Dahil sa rami ng mga reklamo kay “De Kuko”, pina-floating status na siya ni BOC Commissioner Leonardo Guerrero at Deputy Commissioner Raniel Ramiro.

Noong Disyembre, nagkakalat uli ng impormasyon si “De Kuko’’ na siya na ang mamumuno ng XIP at lahat ng importers at brokers ay hinihingian ng P100,000 para pasalubong niya.

Sinisira ni “De Kuko” ang Customs at school na pinang­galingan dahil sa paghingi ng limpak na salapi bilang pasalubong. Nananawagan ang mga empleyado ng BOC na sibakin si  “De Kuko” dahil “anay’’ siya sa kagawaran.

BOC RODRIGO DUTERTE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with