^

P1 bilyong pondo para sa libreng COVID-19 vaccine sa lahat ng Makatizens

#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay (Pilipino Star Ngayon) - January 4, 2021 - 12:00am

Happy New Year, #Proud Makatizens!

Maaaring hindi naging masaya para sa ilan ang nagdaang Pasko at Bagong Taon dahil sa mga pasakit at pagsubok na dala ng COVID-19. Maraming may mga kaanak at mahal sa buhay na pinahirapan ng sakit na ito nitong nagdaang taon.

Ngayong 2021, prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang 100% vaccination kontra COVID-19.

Naglaan na kami ng P1 bilyong pondo para makakuha ng coronavirus vaccine para sa lahat ng residente at kawani ng City Hall sa lalong madaling panahon.

Kasalukuyan kaming nakikipag-ugnayan kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. at sa COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF) upang plantsahin ang mga detalye ng pagbili ng bakuna at pagsasagawa ng mass vaccination.

Ang dalawang turok ng bakuna laban sa coronavirus ay libre para sa lahat ng lehitimong Makatizen. Nais naming maprotektahan ang bawat isa at ang kanilang pamilya laban sa virus.

Bilang punong lungsod, handa akong gawin ang lahat para sa kaligtasan ng mga residente, empleyado, at ng ating business community. Gusto na naming tuldukan ang labis na pinsalang idinulot ng pandemya sa buhay at sa ekonomiya ng mga taga-Makati nitong nakaraang taon.

Upang makamit ang 100 porsiyentong vaccination laban sa COVID-19 sa Makati, handa rin kaming makipagtulungan sa mga kompanya at negosyong nais bumili ng bakuna para sa kanilang mga kawani. Pag-uusapang maigi kung paano magagawang abot-kaya ang bakuna para sa lahat.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng IATF at ng Pamahalaang Lungsod ang mga option na pagpipilian pagdating sa COVID-19 vaccine. May ilang brands mula sa mga respetado at pinagkakatiwalaang kompanya mula sa ibang bansa tulad ng Pfizer, Moderna, Astra Zeneca, at iba pa na maaaring gawing source para sa ating mass vaccination program.

Makaaasa kayo na titiyakin naming mabuti na ligtas at epektibo ang mga bakunang kukunin namin, at handa kaming manguna nina Vice Mayor Monique Lagdameo at Congressman Luis Campos sa pagpapabakuna.

Hinihiling ko po ang inyong suporta at patuloy na pagtitiwala sa ating mga programa. Tanggapin n’yo rin po ang aking taimtim na dalangin para sa patuloy na kaligtasan, kasaganahan, at kaligayahan ng bawat isa.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with