_ngayon
^
EDITORYAL - Bantayan mga âtrigger happyâ na pulis

EDITORYAL - Bantayan mga ‘trigger happy’ na pulis

(Pilipino Star Ngayon) - December 26, 2020 - 12:00am

KAHIT sinabi ng Philippine National Police (PNP) na mahigpit nilang babantayan ang mga pulis na magpapaputok ng baril sa bisperas ng Bagong Taon, hindi pa rin ito dapat paniwalaan. Marami nang pagkakataon na sinabi ng PNP na mananagot sa batas at masisibak sa puwesto ang mga pulis na mapapatunayang magpapaputok ng baril pero marami pa rin ang sumuway. Kahit pa nga nilalagyan ng “busal” o tape ang dulo ng baril ng mga pulis, nagpapaputok pa rin ang ilan sa mga ito at mayroong tinatamaan at namatay.

Kahapon, mayroon nang naiulat na tinamaan ng ligaw na bala sa Bulacan. Ayon sa report, natutulog ang magsasaka sa kanyang kubo nang may tumamang bala sa kanyang paa. Mabilis siyang isinugod sa ospital. Hindi naman sinabi kung pulis ang nagpaputok ng baril.

Noong nakaraang taon, 21 katao ang nahuling nagpaputok ng baril at karamihan sa mga ito ay pulis habang nagseselebra sa pagsapit ng Bagong Taon. Naaresto ang mga nagpaputok ng baril at kinasuhan. Hindi na nalaman kung sinibak sa puwesto ang mga pulis.

Nararapat lamang na tanggalin sa puwesto ang mga pulis at sundalo na mapapatunayang nagpa­putok ng baril. Hindi kailangan sa serbisyo ang mga katulad nilang “trigger happy’’. Marami nang pangyayari sa nakaraang pagdiriwang ng Bagong Taon na may tina­tamaan ng ligaw na bala at ikina­matay.

Gaya halimbawa ng nangyari sa batang si Stephanie­ Nicole ng Caloocan City noong Disyembre 31, 2012. Nanonood lamang ng fireworks display si Nicole at kanyang mga pinsan nang bigla itong matumba. Nang tingnan, may tama na pala siya ng bala sa ulo. Isinugod ang bata sa ospital subalit makaraan ang ilang araw ay namatay din ito. Hanggang sa kasalu­kuyan, wala pang napaparusahan sa pagkamatay ni Nicole.

Huwag nang dagdagan pa ng mga pulis ang bigat na dinadala ng kanilang organisasyon sa kasa­lukuyan dahil sa ginawa ng kasamahan nilang si Master Sgt. Nuezca na pinagbabaril ang mag-ina sa Paniqui, Tarlac noon Linggo. Maraming na-shock sa nakapanood sa video ng pagpatay ng “sira ang ulong pulis”. Maski si President Duterte ay hindi makapaniwala sa napanood at sinabing may topak si Nuezca.

Maging alerto ang mamamayan sa mga “trigger happy” na pulis. Kung maaari, kunan ng video ang mga “utak pulbura’’ para may ebidensiya.

COPS PNP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with